Ang paper mulberry o “lapnis,” ay may malambot at malutong na kahoy ay maaring gawing uling, “wood vinegar,” papel, at iba pang gamit ayon sa isang proyekto.
Ang proyekto ay may kinalaman sa pagpoproseso at pagsusuri sa kalidad ng kahoy ng paper mulberry (Broussonetia papyrifera (L.) L’Herit ex Vent) para sa muwebles, mga ‘handicraft,’ at iba pang produkto.
Pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development-Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang proyekto at isinasagawa ng DOST-Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI).
Ang lapnis ay isang malaking palumpong o isang maliit na puno na walang komersyal na halaga bukod sa paggawa ng papel.
Nakilala ang lapnis sa bansa noong mga unang bahagi ng 1930 bilang isang uri ng puno para sa pagpapanumbalik tanim o ‘reforestation’ at panghaliling mapagkukunan ng hibla. Ito ay mabilis lumaki at madaling kumalat at dumami sa pamamagitan ng mga buto nito na kinakain ng mga ibon at iba pang mga hayop.
Dahil sa sobrang paglago at mapanakop na katangian ng halamang ito, isinagawa ng ‘project team’ ang pag-aaral upang alamin ang mga produkto na posibleng gawin mula sa lapnis upang pigilan at mapangasiwaan ang labis na pagkalat ng nasabing puno.
Kinatawan ni Dr. Marcelino U. Siladan, tagapangasiwa ng Industry Strategic S&T Program (ISP) for Rubber and Indigenous Tree Plantations Species (ITPS) ang DOST-PCAARRD sa pagrerepaso sa proyekto, kasama si Dr. Loreto Novicio, Officer-in-Charge ng Head Planning Unit ng FPRDI.
Ayon kay For. Pablito L. Alcachupas, project leader ng FPRDI, ang kanyang team ay nagsagawa ng paunang pagsisiyasat at ‘geo-tagging,’ ng mga puno ng paper mulberry sa iba’t-ibang barangay sa Los Baños, matapos makakuha ng kaukulang ‘permit.’
Nagsagawa rin ang team ng mga ‘sawmilling trials,’ kung saan kinuwenta ang ‘lumber recovery’ at ‘grading analysis.’
Kumalap din ang team ng karagdagang sampol ng mga kahoy at linagari gamit ang bandmill ng FPRDI. Ang mga dulong bahagi, mga pinagtabasan, at mga sanga ay ginawang uling gamit ang ‘drum kiln’ ng FPRDI.
Ang susunod na bahagi ng proyekto ay ang pagsusuri sa pagtanggap ng lokal na komunidad sa mga nagawang produkto mula sa lapnis.