Tinitingnan ngayon ang pagsasagawa ng embryo transfer sa pagpaparami ng Cagayan Valley ‘signature goat’ dito sa Pilipinas. Ito ay pinangungunahan ni Dr. Miguel S. Pajate, isang Balik Scientist at batikang beterinaryo na naka-base sa New South Wales, Australia.
Ang embryo transfer ay isang proseso ng pagpaparami ng hayop kung saan ang ‘embryo’ o itlog mula sa isang babaeng hayop na ‘genetically superior’ ay inililipat sa matres ng ibang ina o ‘surrogate mother.’ Dito nabibigyang daan ang paglilinang at pagpaparami ng mga embryo na mayroong magagandang katangian. Gayundin, ang mga embryo ay maaari ring maipreserba ng hanggang 40-taon. Malaki ang epektong dulot ng embryo transfer sa sektor ng agrikultura dahil mapapabilis ang paglilinang ng mga katangian ng populasyon ng hayop kumpara sa pangkaraniwan o tradisyonal na paraan ng pagpaparami.
Sa ilalim ng proyektong, '’Innovative Systems in Advancing Technology-based Goat Production,” na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD), kabilang si Dr. Pajate sa nanguna bilang ‘consultant’ sa pagsasanay ng mga beterinaryo at mananaliksik mula sa Isabela State University (ISU) sa proseso ng embryo transfer tulad ng ‘oocyte collection, grading, transfer’ at ‘preparation for freezing.’
Kabilang din sa nasabing proyekto ang pagsasaayos ng ISU Embryo Transfer Laboratory na pinamumunuan ni Dr. Jonathan N. Nayga. Dahil dito, masusuportahan ang produksyon ng Cagayan Valley signature goat na isang uri ng kakarnehing kambing na angkop sa mga kondisyon sa rehiyon.
Ayon kay Dr. Pajate, makalipas ang isang taon ay maaari nang lumaki ang mga kambing na ‘pure-breed’ dahil sa embryo transfer. Nais ni Dr. Pajate na magamit ng lokal na industriya ang kanyang mga ibinahagi bilang Balik Scientist.
Si Dr. Pajate ay mayroong ‘Master’s Degree’ sa ‘Tropical Veterinary Science’ mula sa James Cook University of North Queensland. Siya ay mayroon ding ‘post-graduate certificate on Small Animal Practice’ mula sa Murdoch University. Inimbitahan siyang maging Balik Scientist sa ilalim ng Balik Scientist Program (BSP) ng DOST, na naglalayong mapakinabangan ang talino at kadalubhasaan ng mga Pinoy scientist at eksperto na naninirahan na sa ibang bansa. Layunin ng BSP na patibayin ang kapasidad ng mga lokal na mananaliksik sa siyensya at teknolohiya upang tugunan ang mga problema sa sektor ng agrikultura, akwatika, at likas na yaman.
Sa kasalukuyan, ang pangkat ni Dr. Nayga ay nagpapatuloy ng pagsasanay ng embryo transfer ng kambing sa Isabela gamit ang mga magagandang uri ng ‘dairy goats.’ Inaasahang makapagpaparami at makapagtuturo ang pangkat sa iba pang magsasagawa ng embryo transfer.