Kinilala kamakailan si Dr. Zenaida M. Sumalde ng College of Economics and Management, University of the Philippines Los Baños (CEM-UPLB), bilang Most Outstanding Researcher para sa Social Sciences sa senior faculty category sa taong 2017.
Si Sumalde ay isa sa mga iginagalang na project leaders ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Katulong siya ng PCAARRD sa programa na may titulong Ex-Ante Evaluation of PCAARRD’s Industry Strategic S&T Programs (ISPs).
Ang nagawa ni Sumalde sa nasabing programa ay isa sa mga dahilan kung bakit siya napili para sa parangal. Ito ay may kinalaman sa pagtukoy sa mga magiging pakinabang ng paggamit ng mga teknolohiya na nakapaloob sa ISP.
Pinatotohanan ng pag-aaral ang mga pagpapalagay at target sa produksyon at tinantiya ang ekonomikong pakinabang ng bawat gawain kung saan ginamit ang patnubay ng siyensya at teknolohiya sa pagpapaunlad ng produktong agrikultural at pangisdaan.
Ilan sa mga larangan kung saan nagpakita ng interes si Sumalde ay ang ekonomiks ng likas na yaman, kapaligiran, at agrikultura. Aktibo rin siya sa maraming proyekto sa larangan ng ‘aquaculture pollution,’ ‘solid waste management,’ at ‘policy advocacy.’
Nag-akda rin si Sumalde ng maraming mga aklat at nakapaglathala ng mahigit sa pitumpong ‘academic papers’ at ‘book chapters’ sa iba’t-ibang ‘media,’ na inilahad niya sa mga pagpupulong dito at sa ibang bansa.
Agad na nagsimula si Sumalde sa kanyang ‘research career’ pagkatapos ng kanyang ‘bachelor’s degree.’ Nagtrabaho siya sa Regional Training Program sa Food and Nutrition Planning kung saan niya lubos na natutunan ang ‘nutrition economics research.’ Pagkatapos nito ay naging ‘faculty member’ siya ng CEM at nagsimulang magtrabaho sa larangan ng ‘natural resource economics research.’ Simula noon ay tumanggap siya ng mga ‘research grants’ at mahahalagang oportunidad para makapagsanay. Ito ang kanyang naging puhunan para siya ay kilalanin bilang mananaliksik.
Si Sumalde ay nagtapos ng Agriculture (major in Agricultural Economics) at MS degree sa Agricultural Economics sa UPLB. Dito rin niya tinapos ang kanyang PhD sa Agricultural Economics, samantalang ang kanyang ‘course work’ ay kanyang ginawa sa Purdue University, sa Indiana, USA. Sa kasalukuyan, si Sumalde ay nagsisisilbing Direktor ng Institute of Cooperatives and Bio-Enterprise Development ng UPLB.