Nakita sa dalawang proyekto na isinagawa ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) na ang duhat (Syzygium cumini (L.) Skeels) at bignay (Antidesma bunius (L.) Spreng) ay may mga katangian na nakapagpapabuti ng kalusugan. Ang mga nasabing prutas ay may taglay na anthocyanins na mayroong ‘antioxidant’ at ‘enzyme inhibitory properties.’ Dahil dito, maaaring gamitin ang katas ng duhat at bignay bilang ‘food supplement,’ ‘food additive’ at ‘nutraceutical.’
Ang mga katas ng prutas na may ‘enzyme inhibition properties’ ay maaaring gamiting gamot para sa mga sakit. Pinu-puntirya ng mga inhibitors ang enzyme sa sistema ng katawan ng tao upang i-tama ang isang partikular na kondisyon. Samantala, ang ‘antioxidant’ ay isang uri ng ‘compound’ na pumipigil sa pagkasira o nag-aalis ng mga mapaminsalang ‘oxidizing agents.’
Ang katas ng mga nasabing prutas ay may taglay ding phenolic compounds na maaaring pumigil at makagamot ng kanser. Ang anthocyanin sa katas ng duhat at bignay ay ginawang pulbos sa pamamagitan ng ‘microencapsulation.’
Sa ‘microencapsulated anthocyanin,’ maaaring makinabang ang mga nagtatanim ng duhat at bignay, mga nagpoproseso ng pagkain, mga mananaliksik, industriya ng kalusugan, at paghahayupan.
Ang dalawang proyekto na isinagawa ng UPLB ay nasa ilalim ng programang “Emerging Interdisciplinary Research (EIDR)” na pinopondohan ng Department of Science and Technology (DOST) at minonitor ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng DOST (DOST-PCAARRD).
Sa ilalim ng programa ay may dalawang proyekto: ang “In vitro Release Properties of the Microencapsulated Anthocyanin Extracts Prepared with Duhat (Syzygium cumini (L.)) and Bignay (Antidesma bunius (L.) Spreng)” at “Evaluation of In Vivo Health Effects of the Microencapsulated Anthocyanin Extracts Prepared with Duhat (Syzygium cumini (L.)) and Bignay (Antidesma bunius (L.) Spreng).”