Upang mabigyang daan ang mas matibay na relasyon sa pagitan ng mga magsasaka at industriya, walong samahan ng mga magsasaka at limang malalaking kumpanya ng pagkain ang sama-samang pumirma ng ‘memorandum of understanding’ o MOU sa ginanap na 2023 Agrilink sa World Trade Center, Pasay City. Ang kasunduang ito ay naglalayong magbigay ng ‘framework’ o balangkas para sa mga magsasaka at mga negosyo upang magkaroon ng isang ‘direct farmer-buyer’ na relasyon.
Ang inisyatibong ito ay naging posible sa tulong ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) katuwang ang AgriFood Hub, isang social enterprise na tumututok sa pakikipag-ugnayan ng mga lokal na magsasaka at mga malalaking mamimili.
Layunin ng MOU na masiguro ang patuloy na paglago ng operasyon at oportunidad para sa mga magsasaka at mga malalaking mamimili. Kasama sa pakikipagtulungang ito ang pagtugon sa mga pagsubok na nararanasan ng merkado pagdating sa pagkukunan at bentahan ng mga produkto. Kasama rito ang pagbabawas sa mga ‘middlemen’ upang higit na mapababa ang presyo para sa mga mamimili at mapataas ang kita ng mga magsasaka.
Upang masiguro ang tagumpay ng programa, nangako ang AgriFood Hub ng suporta sa pag-uugnay ng mga magsasaka sa industriya. Nabuo noong 2020 sa gitna ng pandemya, nagtatag ang AgriFood ng mga plataporma upang mailapit ang mga produkto ng libo-libong magsasaka patungo sa mas maraming mamimili. Dahil sa suportang ito, nakakasiguro ang mga magsasaka at mga malalaking mamimili na magiging maayos ang negosasyon at mapapanatili ang interes ng bawat isa.
Bilang dagdag na suporta, nagbahagi rin ang DOST-PCAARRD ng intensyon na magbigay ng mga teknikal at siyentipikong tulong upang mas maisulong ang nasabing inisyatibo. Sa tulong ng agham at teknolohiya, kasama sa mithiin ng Konseho na masiguro ang kakayahan ng mga magsasaka na mapataas ang kanilang produksyon at matugunan ang pangngailangan o ‘demand’ ng industriya.
Sa kanyang mensahe, binanggit ng Direktor ng Socio-Economics Research Division ng DOST-PCAARRD Ernesto o. Brown, na maaasahan na ang bawat produktong R&D ng DOST-PCAARRD ay nakalaan sa pagpapalakas ng mga magsasaka at makatulong sa ekonomiya. Dagdag pa rito na handa ang kanilang tanggapan na magbigay ng mga teknolohiya at suporta para sa sektor ng agrikultura.
Kasama sa pumirma sa MOU ay ang Presidente ng Kitchen City na si Ginoong Ricardo D. Abelardo Jr. Ang Kitchen City ay isa sa mga pinakamalaking ‘food concessionaire’ sa bansa. Batid ni Ginoong Abelardo ang tagumpay ng MOU signing. Aniya, libu-libong tao ang tumatangkilik sa Kitchen City araw-araw. Dahil dito, malaking pangangailangan ng kanyang negosyo ang pagkukunan ng kalidad na produktong pagkain.
Sa panig ng mga magsasaka, batid ni Ginoong Marlon S. De Dios, Pangulo ng Kaagapay sa Pag Unlad ng Mamamayan Producer Cooperative, ang kanilang pananabik. Kasabay ng kanyang pagbabahagi ng mga problema ng mga maliliit ng magsasaka, malugod na tinatanggap ng mga magsasaka ang pakikipagtulungang ito. Kanila ring inaasahan na ito ay magbibigay ng panibagong sigla para sa kanilang mga hanapbuhay. Dagdag pa ni Ginoong De Dios ang kanilang kaluguran para sa suporta mula sa DOST-PCAARRD upang mapaigting ang kanilang produksyon.
Ang sumusunod ang buong listahan ng mga katuwang na organisasyon:
Partner Sellers
- Association of Safe Fruit and Vegetable Growers of Los Baños
- Kaagapay sa Pag-Unlad ng Mamamayan Producer Cooperative
- Palay and Calamansi Farmers Agricultural Cooperative
- Paraiso Farm Village
- Alaminos Laguna Consumer Cooperative
- Farmers' Association of Barangay Malinao
- Barangay Bucal Vegetable Planters Association
- Majayjay Organic Farmers' Association
Partner Buyers
- Kitchen City
- Hilas Marketing Corporation
- Philfoodex, Inc.
- Global Food Solutions, Incorporated
- Planters Products Inc
LGU Partners
- Local Government of Majayjay
- Local Government of Los Baños
Organizers
- Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development
- AgriFood Hub
- Philippine Chamber for Agriculture and Food, Inc.