Isang grupo ng magsasaka sa Los Baños, Laguna na gumagamit ng organikong pamamaraan ng pagsasaka ang bumuo ng isang kapisanan upang patatagin ang kanilang kalakal sa lokal na pamihilan.
Ang kapisanan na may pangalang Los Baños Association of Organic Fruit and Vegetable Growers ay inerehistro na sa Department of Labor and Employment (DOLE) kamakailan upang matiyak ang suporta ng lokal na pamahalaan para sa mga darating na proyekto nito.
Ang kapisanan ay kasapi ng Laguna Organic Practitioners Federation (LOPF) na tumutulong upang itaguyod ang paggamit ng organikong pamamaraan ng pagsasaka sa probinsya. Ang kapisanan ay masigasig na kasapi rin ng Laguna Internal Control System (LagICS) Association na tumutulong sa mga gumagamit ng organikong pagsasaka upang paghandaan ang ‘third party certification’ ng mga organikong sakahan at produkto.
Ang pagkakatatag ng kapisanan ay resulta ng proyekong Gender-Responsive Organic Vegetable Production Livelihood Enterprise for Low-income Communities of Los Baños Laguna na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Ang nasabing proyekto ay ipinapatupad naman ng lokal na pamahalaan ng Los Baños sa pakikipagtulungan ng Bureau of Plant Industry-Los Baños National Crop Research, Development, and Production Support Center (BPI-LBNCRDC).
Kasama sa proyekto ang Bagong Silang, Timugan, Putho-Tuntungin, Bambang, Bayog, Malinta, at Mayondon na kinakatawan ng 125 magsasaka.
Bukod sa pagsasaka ng organikong mga gulay at prutas, ang mga magsasaka ay gumagawa rin ng atsarang papaya, burong mustasa, burong bawang, sukang maanghang, sumang cassava, at peanut butter.