Isang proyekto ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at Western Mindanao State University (WMSU) sa pakikipagtulungan ng Bureau of Corrections (BUCOR) ang naisakatuparan sa mga preso ng San Ramon Prison and Penal Farm (SRPPF). Layon ng proyekto ang mabigyan ang mga preso ng teknikal na kaalaman at makapagsimula ng kanilang kabuhayan sa oras na sila ay lubos ng makalaya.
Sa ilalim ng proyektong may pamagat na, “Evaluation of the Sustainability and Profitability of Zampen Native Chicken Production as Source of Livelihood in Rural Communities,” ito ay nagbigay ng kaalaman tungkol sa pagpipisa, pagpapatibay, pagpili, at pagpapalahi, at wastong pag-aalaga ng mga “native” na manok sa mga nasabing preso.
Ang lahi ng “native” na manok na inaalagaan at pinaparami ng mga preso ay ang “ZamPen,” isang purong lahing manok na mula sa Zamboanga Peninsula na nakapagbibigay ng mas maraming itlog (110 itlog kada inahin kada taon) na may mas mababang dami ng namamatay na manok (20% kada taon).
Sa kasalukuyan ay may 600-700 na ZamPen native na manok na inalagaan sa SRPPF sa kanilang isang ektaryang bukid. Mula sa 190 “hardened” na manok, ay nakapagparami na ang institusyon ng hanggang 5,805 na “hardened” na sisiw na nagkakahalaga ng P435,375.
Sa kabuuan ng proyekto, 78 preso ang nabigyan ng kaalaman tungkol sa pag-aalaga at pagpaparami ng ZamPen native na manok. Sampu sa kanila ang lumaya na at nabigyan ng isang modyul na maaaring pagsimulan ng magandang kabuhayan.
Maganda ang reaksyon ng mga preso tungkol sa proyekto. Isa sa kanila ay nagpahayag ng pasasalamat na mapabilang sila sa proyekto ng DOST-PCAARRD at WMSU. “Natutunan naming kung paano mag-alaga ng native na manok at matukoy ang kalagayan nila. Nagkaroon din kami ng kaalaman sa pagpaparami ng magagandang lahi ng manok,” ani ng isa sa mga preso.