Ang Pilipinas ay pang-labing dalawa sa pangunahing prodyuser ng mangga sa mundo at may ambag na dalawang porsiyento sa produksyon ayon sa datos ng Food and Agriculture Organization (FAO) noong 2012. Ang mangga ay pangatlo din sa saging at pinya sa pinakamahalagang prutas ayon sa dami ng iniluluwas ng Pilipinas sa ibang bansa.
Patuloy pa ring kinakaharap ng industriya ng mangga ang ilang mga suliranin na nakapipigil upang matamo nito ang kanyang potensiyal. Malaki ang nawawala sa produksyon at kalidad ng prutas dahil sa mga peste at sakit, hindi maayos na nutrisyon, at mataas na dami ng nawawalang prutas matapos makapag ani o ang tinatawag na ‘postharvest losses.’ Tinutugunan ng Mango Industry Strategic S&T Program ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang mga nasabing suliranin.
Ipinagmamalaki ng Pilipinas ang “Carabao” mango o manggang kalabaw, ang tanging uri ng manga na iniluluwas nito sa ibang bansa. Kinikilala ang nasabing uri ng mangga sa taglay nitong katangian na wala sa mga mangga ng ibang bansa sa Asya gaya ng Thailand at Vietnam.
Upang mapangalagaan ang ating interes sa pamilihan, mahalagang masiguro na ang ating mga iniluluwas na manga ay tunay na manggang kalabaw. Kaugnay nito, nakabuo ang Mango ISP ng isang ‘dipstick kit’ para sa mabilisang pagtukoy sa tunay ng manggang kalabaw. Ginagamit ang teknolohiya ng ‘Carabao mango-specific DNA markers’ upang makita at matiyak ang tunay na manggang kalabaw kumpara sa ibang uri ng mangga. Sa pamamagitan nito, matitiyak na tanging mga pananim ng tunay na manggang kalabaw lamang ang maipamamahagi at maitatanim sa bansa. Makatutulong ang nasabing teknolohiya tungo sa maayos at mapangalagang produksyon ng mangga at mga produkto nito.
Aktibo ring isinusulong ng Mango ISP ang mga pinagsama-samang teknolohiya sa mangga gaya ng ‘Integrated Crop Management (ICM),’ ‘Postharvest Quality Management (PQM),’ at ‘Good Agricultural Practices (GAP).’
Sa mga mango clusters sa rehiyon I, II, III, IV, VI, at XII kung saan ginamit ang pinagsama- samang pamamaraan ng pamamahala sa mga taniman, ang pangkaraniwang ani ng mangga na 5.82 metriko tonelada bawat ektarya ay tumaas sa 8 metriko tonelada o katumbas na 37% pagtaas. Mas mataas ang ani sa ibang mga taniman lalo na sa Mindanao kung saan umani ng 15 metriko tonelada bawat ektarya o 158% na pagtaas.
Sa pamamagitan ng pinahusay na pamamaraan ng pag-ani at pangangasiwa matapos mag-ani, bumaba rin ang dami ng mga nasasayang na ani mula 40% sa 10%.
Sa mga pinabuting sistema na may gabay ng siyensiya at teknolohiya, inaasahang mapananatili ng industriya ng mangga ng bansa ang pagkilala rito sa pandaigdigang pamilihan.
Kabilang ang mga teknolohiya sa mangga sa mga teknolohiya na ipamamalas ng DOST-PCAARRD sa darating na National Science and Technology Week (NSTW). Ito ay gaganapin sa July 25-29 sa DOST-PCAARRD Complex at may temang Juan Science, One Nation.
Itatampok dito ang mga ‘exhibit’ na naglalayong makapagbigay ng mga teknolohiya at kaalaman na makatutulong upang mapalakas ang sektor ng agrikultura ng bansa at makatugon sa pandaigdigang pamantayan.
Gugunitain din ng DOST-PCAARRD ang ika-lima nitong anibersaryo sa Hulyo 28,2016. Tatampukan ito ng pagsasagawa ng National Symposium on Agriculture and Aquatic Resources Research and Development (NSAARRD) sa Hulyo 27, 2016 at paggagawad ng mga karangalan sa hapon ng nasabing petsa.
Kinikilala ng NSAARRD ang mga natatanging ambag ng mga indibiduwal at institusyon sa pagpapabuti ng estado ng sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman sa pamamagitan ng pagsasaliksik at pagpapaunlad (research and development).