Nagbahagi ng mga materyales para sa ‘longline method’ ang University of the Philippines Visayas (UPV) at ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) sa isang barangay sa Sorsogon City.
Ang longline method ay isang pamamaraan ng pagpaparami ng tahong.
Tatlong 20-metro at dalawang 50-metro na istraktura para sa ‘longline method’ ang ibinigay ng nasabing mga institusyon sa Sangguniang Barangay ng Cambulaga sa lungsod ng Sorsogon.
Inaasahan na makapagbibigay ng karagdagang kita sa barangay sa tulong ng mga nabigay na istraktura. Bukod dito, maipapakita ng barangay ang wastong paggamit ng teknolohiya upang mahikayat ang iba pang mga nag-aalaga ng tahong na gamitin ito.
Ang pagbabahagi ng mga materyales ay isinagawa sa pamamagitan ng pagpirma ng ‘Deed of Donation’ ni Dr. Mary Jane A. Amar, Project leader ng UPV-DOST Mussel Project na may titulong, “Pilot testing of longline method for green mussel culture in traditional areas” at ni Ms. Ma. Teresa D. Perdigon, Brgy. Chairperson ng Cambulaga.
Saksi sa seremonya ang grupo ng ‘Monitoring and Evaluation’ ng Inland Aquatic Resources Research Division (IARRD) ng PCAARRD pati na rin ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan at mga katuwang na mga magsasaka ng proyekto.
Ayon sa isang magtatahong na gumagamit ng longline method, mas mahaba ang buhay o ‘service life’ ng teknolohiya kumpara sa nakaugaliang pagtatarak ng kawayan o ‘stake method.’ Mas madali rin daw ang pag-ani dahil hindi na kailangang sumisid gamit ang ‘compressor.’ Mura din ang materyales nito dahil maaaring gumamit ng kagamitang ‘recyclable.’
Nabigyan ng inspirasyon ang iba pang nag-aalaga ng tahong upang gamitin ang longline method matapos na marinig ang mga benepisyo ng teknolohiya. Kaya naman humiling sila ng mga pagsasanay na magdedetalye ng mga hakbang ng teknolohiya.
Ang longline method ay isang murang paraan ng pagpaparami ng tahong na mataas ang kalidad. Epektibo ang pamamaraan na ito kahit na pabago-bago ang klima sa lugar-alagaan. Ito ay mas angkop sa mas malalim na tubig sa lugar-alagaan at maaaring ipalit sa kinaugaliang pagtatarak na nagdudulot ng latak sa mga baybayin.
Hindi tulad ng pagtatarak, ang longline ay maaaring ilubog sa mas kalmadong tubig sa oras na hindi maganda ang panahon at upang mabawasan ang epekto ng malakas na ulan.