Sa Pilipinas, ang pag-aalaga ng itik ay nagbibigay ng malaking pakinabang. Ang pinakamahalagang produkto nito ay ang balut. Kilala ang balut dahil sa sarap at taglay nitong sustansya. Subalit dahil sa bumababang produksyon ng itik sa bansa, maaaring magdulot ito ng negatibong resulta sa pinagkukunan hindi lamang ng balut kung hindi maging ng itlog na maalat.
Tinutugunan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at ng National Swine and Poultry Research and Development Center-Bureau of Animal Industry (NSPRDC-BAI) ang suliraning ito sa pamamagitan ng paglinang ng isang bagong lahi ng itik, ang Itik Pinas.
Nilinang ang Itik Pinas sa ilalim ng proyektong ‘Development of Sustainable Breeder Philippine Mallard Duck Production System.’
Sa pamamagitan ng proyekto, siniguro ng DOST-PCAARRD at NSPRDC-BAI ang pagkakaroon ng palahiang itik na may kalidad, mataas na produksyon, at matatag na ‘supply’ ng balut at itlog na maalat para sa lokal na pangangailangan.
Ang Itik Pinas ay akma sa lokal na kondisyon ng ating kapaligiran. Mahusay itong nabubuhay at lumalaki sa simpleng pabahay at murang pakain. Ito rin ay may kakayahang umitlog na umaabot ng 70 porsyento o dagdag na 55 itlog na may mataas na kalidad bawat taon. Ang dagdag na itlog ay nakapagbibigay ng karagdagang kita na mahigit sa ₱300 bawat itik sa loob ng isang taon.
Ang itlog ng Itik Pinas ay karaniwang tumitimbang ng 65 gramo bawat piraso. Ito ay tumutugon sa itinakdang pangangailangan ng industriya ng balut sa bansa. Ang Itik Pinas ay produkto ng Duck Industry Strategic S&T Program (ISP) ng DOST-PCAARRD na nagsusulong ng organisadong pagpapalahi at tamang pagpili (organized breeding and selection). Nakatuon ang aspeto ng pagpapalahi sa pare-parehas na pisikal na katangian, mas mataas at hindi pabago-bagong antas ng produksyon ng itlog.