Maaari nang maranasan ng mas maraming Pilipino ang purong kape sa tulong ng pag-aaral ng mga mananaliksik ng Cavite State University (CvSU). Sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga iba’t-ibang palatandaan gamit ang ‘polymorphic’ na ‘inter-simple sequence repeats’ o ISSR, ganap na natukoy ng CvSU ang mga palatandaan at pagkakaiba-iba base sa hene at DNA ng 16 na iba't ibang uri ng halamang kape na rehistrado sa National Seed Industry Council (NSIC).
Ang resulta ng pag-aaral ay makatutulong sa pagpapatotoo na tunay, puro, at walang halo ang mga binebentang butil ng kape sa pamamagitan ng pagsesertipika ng mga halamanan ng kape. Higit pa dito, tulong din ito sa pagkontrol ng pagbebenta ng mga pekeng pananim o ‘seedlings’ ng Liberica dala ng pagsikat nito sa loob at labas ng bansa.
Sa ilalim ng pag-aaral, nakapagtukoy ang mga mananaliksik ng pitong ‘polymorphic ISSR.’
Nakita sa mga resulta na ang Coffea arabica at Coffea canephora ay may relatibong mababang 'genetic diversity' o ang antas ng pagkakaiba-iba. Sa kabilang dako, ang Coffea liberica ay nagpakita ng sapat ng genetic diversity na nakatulong upang ganap na matukoy ang pagkakaiba-iba ng mga uri ng kape.
Katuwang ang resulta ng pag-aaral, mabibigyang kasangkapan ang mga ahensya ng pamahalaan sa pagsusubaybay ng industriya ng pagkakape lalong lalo na sa pagpapatunay ng mga binebentang produkto ng kape sa merkado.
Karagdagan pa dito, ang Bureau of Plant Industry ng Department of Agriculture (DA-BPI) ay maari nang magpatunay ng pagkakakilanlan ng mga butong-pananim, pagsesertipika ng mga halaman, at pag-aapruba ng mga uri ng kape na irerehistro sa NSIC.
Ang pag-aaral na ito, na isinali sa Research Category ng National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NSAARRD), ay nanalo ng ikatlong parangal at kinilala sa 2022 S&T Awards and Recognition Ceremony ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development of the Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) noong ika-10 ng Nobyembre, 2022.