Philippine Standard Time
Featured

Iba’t ibang inobasyon para sa industriya ng bawang at iba pang pansahog na gulay, isinusulong

Ilang teknolohiya ang isinusulong ng Garlic and Other Agri-food Condiments (AFCs) Research and Development (R&D) Center upang mapaunlad ang industriya ng bawang at iba pang pansahog na gulay tulad ng sibuyas, sili, at luya. Ayon sa kasalukuyang resulta ng mga pag-aaral, tinatayang makatutulong ang programa sa pagpapataas ng produksyon at kita ng mga magsasaka sa industriya.

Sa pangunguna ni Dr. Dionisio S. Bucao mula sa Mariano Marcos State University (MMSU), napatunayang tumataas ang ani ng bawang dahil sa rekomendadong kombinasyon ng pataba sa lupa, distribusyon ng mga tanim, at aplikasyon ng Carrageenan Plant Growth Promoter (CPGP).

Dagdag pa ni Dr. Bucao, isa sa mga inisiyatibo ng programa ang paglikha ng isang ‘mobile application’ na makatutulong sa mga magsasaka upang mapabilis ang pagtukoy ng mga sakit at peste sa bukid. Inaasahan na makatutulong ito upang agarang maagapan ng mga magsasaka ang pinsala na maaaring maidulot ng mga ito sa kanilang taniman.

Tatlong ‘gene banks’ ang inilunsad ng programa upang mapaigting ang layunin sa pagkonserba ng mga nasabing gulay. Matatagpuan dito ang 365 na lokal na ‘accession’ ng mga bawang at iba pang pansahog na gulay mula sa Ilocos Norte, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Ilocos Sur, Quezon, Batanes, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, at Romblon.

Patuloy din ang pagpapatayo ng abot-kayang imprastraktura para sa ‘curing’ at imbakan ng bawang para sa mga komunidad. Ang disenyong ito ay naaayon sa nakalap na datos ng pag-aaral upang maagapan ang pagkabulok ng ani at maiwasan ang pagkalugi ng mga magsasaka.

Naghain din ang R&D Center ng dalawang aplikasyon para sa ‘utility model’ ng ‘black garlic ice cream’ at ‘furikake’ na may black garlic. Ang parehong produkto ay naglalayong mapalawak ang paggamit sa black garlic at magbukas ng mga oportunidad upang ito ay mas mapagkakitaan.

Nagdebelop din ang programa ng tatlong ‘value chain maps’ na naglalahad ng mga impormasyong pang-merkado gaya ng pangangailangan ng mga mamimili, galaw at kilos ng masa, mga isyu sa industriya, at marami pang iba. Sa tulong ng mga mapang ito, mas mabibigyang direksyon ang mga hakbang upang maisulong ang paglago ng industriya ng bawang at iba pang pansahog na gulay sa bansa.