Ang malaking kabawasan sa aning prutas at gulay ay iniuugnay sa pagkabulok na sanhi ng mga mapaminsalang mikroorganismo. Nakita sa isang pag-aaral na ang HiYEAST, isang uri ng ‘biocontrol agent,’ ay mahusay na panugpo sa mga sakit na makikita sa mga naaning mangga, saging, kalamansi, mani, sibuyas, bawang, at kamatis.
Pinondohan ang proyekto ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Isinasagawa ito ng National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (BIOTECH) ng University of the Philippines Los Banos (UPLB) sa pangunguna ni Dr. Severina B. Exconde.
Layon ng proyekto na makabuo ng bago at ligtas na pamamaraan ng pagsugpo sa mga sakit ng halaman matapos makapag-ani, bilang panghalili sa sintetikong punggisidyo na may masamang epekto sa tao at kapaligiran. Isa rito ay ang biyolohikal na pamamaraan na gumagamit ng mikrobyong pangkontra gaya ng ‘yeast,’ punggus, at bakterya. Ang paggamit ng ‘yeast’ bilang biyolohikal na pangkontrol para sa mga sakit ng mga naaning prutas at gulay ay isang mahusay na alternatibo sa pamamaraang kemikal.
Sinala ni Dr. Exconde ang 47 ‘yeast isolates,’ kung saan 27 sa mga ito ay nagpakita ng kakayahang makasugpo sa mga mapinsalang punggus at bakterya. Ang mga ito ay lalo pang pinausad at ginawang mga produktong biyolohikal na pangkontrol. Ayon sa ginawang pagsubok ang mga produkto ay walang negatibong epekto at ligtas sa tao.
Dalawa sa mga produkto ay tinawag na HiYEAST, partikular ang HiYEAST Dh (Debaryomyces hansenii) at HiYEAST Sc (Saccharomyces cerevisiae). Ang mga ito ay nasa pormang pulbos at nakapakete sa ‘polypropylene plastic bags.’ Bawat pakete ay may bigat na 20 gramo.
Nakita sa isinagawang pag-aaral sa laboratoryo at mga halamang nasa paso na ang HiYEAST Dh ay mabisa sa ‘crown rot’ at ‘anthracnose’ --- mga sakit ng saging na sanhi ng punggus na Colletotrichum musae. Mabisa rin ito laban sa Aspergillus flavus, isang uri ng punggus na nagiging sanhi ng produksyon ng ‘aflatoxin’ sa bawang at produktong buto gaya ng mani.
Ang HiYEAST Sc naman ay mabisa laban sa ‘anthracnose,’ isang pangunahing sakit ng mangga pagkatapos itong anihin na sanhi naman ng Colletotrichum gloeosporioides. Ang HiYEAST Sc ay mabisa rin laban sa mga sakit na nagdudulot ng ‘aflatoxin’ sa bawang at ‘green mold’ sa kalamansi na sanhi naman ng punggus na Penicillium digitatum.
Ayon kay Dr. Exconde, simple lang ang paraan ng paggamit ng HiYEAST: Ibudbod ang pulbos sa sibuyas at bawang. Sa saging at kalamansi, lubos na ihalo ang isang pakete ng HiYEAST sa 20 litro ng malinis na tubig at ilubog dito ang prutas sa loob ng 30 hanggang 40 minuto. Patuyuin ang mga prutas bago iimbak. Tiyaking malinis ang prutas at walang dagta bago gamitan ng HiYEAST.
Upang maging ganap ang pagsugpo sa mga sakit pagkatapos ng pag-aani, sinabi ni Dr. Exconde na ikonsidera ang iba pang pamamaraan kagaya ng ‘hot water treatment’ sa manga. Kinakailangan rin ang mas maraming pagsubok ng HiYEAST sa mga prutas at gulay na nasa ‘packing house.’ Kailangan din pagaralan ang mga lunas sa sakit bago mag-ani ng manga, saging, kamatis, bawang, sibuyas, at mani.
Nakatakdang magsagawa ng ibayo pang mga pag-aaral sa pagtukoy sa epekto ng paggamit ng ‘yeast’ bilang pangsugpo sa mga sakit makatapos ang pag-aani. Ang ibayong pagsasaliksik ay maaaring gawin sa iba pang lugar sa Pilipinas.