Ang kamote ay kailangang tignan bilang ‘superfood’ at maaaring pagmulan ng kita sa halip na maiugnay sa kahirapan o mabagal ang isip.
Ito ang mensahe ni Dr. Reynaldo V. Ebora, Acting Executive Director ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) sa ginanap na Sweetpotato Farms and Industry Encounters through the Science and Technology Agenda (FIESTA).
Ang FIESTA ay ginanap noong ika-9 at 10 ng Hulyo taong 2019 sa Bureau of Soils and Water Management, Quezon City.
Hinikayat ni Ebora ang mga dumalo na makipagtulungan sa isa’t isa upang mabago ang pagtingin sa kamote sa bansa.
Nag-iba na ang pagtingin sa kamote dahil sa nilalaman nitong sustansya at dahil nagiging sikat ito sa mga ‘diet trends.’ Ang kamote rin ay ginagamit ng ‘menu’ ng Max’s Group bilang ‘sweetpotato fries’ na may katambal ng kanilang ‘spring chicken.’
Sa larangan ng pagsasaliksik, sinusuportahan ng PCAARRD ang mga programa sa kamote simula pa noong taong 1970. Kasama sa sinuportahan ng PCAARRD ang National Rootcrop Program ng Visayas State University (VSU).
Noong taong 2015 naman, inilunsad ng PCAARRD ang Industry Strategic S&T Program for Sweetpotato sa proyektong, “S&T-based Sweetpotato Value Chain Development for Food in Tarlac, Albay, Leyte, and Samar.” Ilan sa mga nagawa na ng proyekto ay ang paggawa at pagpapaunlad ng 22 maliliit na negosyo at ang pagpapakilala ng anim na bagong kamote ‘hybrids’ na makapagbibigay ng mataas na ani.
Ibinahagi rin ni Ebora ang nagawang pagtutulungan ng VSU-Philippine Rootcrops Research and Training Center (VSU-PhilRootcrops), Max’s chain of restaurants, at Nutri-pros, isang pribadong kumpanya na tumutulong maglunsad ng grupo ng mga magsasaka noong 2016. Ang pagtutulungan ay naglayon na mabigyan ng suplay ng kamote ang Max’s Group.
Ang Sweetpotato FIESTA ay inorganisa ng tatlong R&D consortia ng PCAARRD: ang Central Luzon Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development Consortium (CLAARRDEC), Visayas Consortium for Agriculture, Aquatic and Resources Program (ViCARP), at Bicol Consortium for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (BCAARRD).
Ang dalawang araw na FIESTA ay may temang, “Kamote: Kalusugan at Yaman para sa Bayan.” Ang FIESTA ay isang modalidad na likha ng PCAARRD upang maisalin ang mga teknolohiya ng kamote at iba pang ‘commodities’ mula sa mga mananaliksik patungo sa mga magsasaka o mangingisda.