Isang hands-on seminar ang idinaos kamakailan kaugnay ng pagsisikap ng bansa na labanan ang Vascular Streak Dieback (VSD), isang sakit ng kakaw.
Nadiskubre ang VSD sa mga bansa na nagtatanim ng cacao sa South at Southeast Asia, at Papua New Guinea. Itinuturing itong isang malaking suliranin sa malalaking komersiyal na taniman sa West Malaysia at Sabah. Laganap ito sa Indonesia, kabilang na ang mga taniman sa East at West Java.
Naiulat din ang nasabing sakit sa timugan ng Thailand, Burma, Vietnam, at ng Pilipinas.
Ang puno ng kakaw na may VSD ay may iregular na patse sa dahon na nagiging dahilan ng kanilang deteryorasyon dahil sa pungus. Nagsisimula ito sa pangalawa at pangatlong pagsuloy ng dahon sa mga bagong sanga na di kalaunan ay namamatay. Ang pungus ay maaring lumaganap mula sa xylem patungo sa pangunahing sanga hanggang tuluyang patayin nito ang puno.
Ginanap ang seminar sa Cacao Agribusiness Zone Center, Cocoa Foundation of the Philippines, Inc. (CocoaPhil), sa Talandang, Tugbok, Davao City. Layon nitong ibahagi ang mga impormasyon sa pangangasiwa at pagtukoy sa VSD sa mga pamamaraang biyolohikal, o ang paggamit ng ibang organismo upang makontrol ang sakit. Kabilang rin sa pamamaraang tinitingnan ay ang paggamit ng nanosensors.
Dinaluhan ang seminar ng 50 katao mula sa mga tanggapan ng pamahalaan at pribadong sektor. Kabilang dito ang mga kinatawan mula sa De La Salle University (DLSU), UPLB-BIOTECH, Isabela State University (ISU)-Echague, University of Southern Mindanao (USM), DOST-CAR, DOST-PCAARRD, DA (PHilMech, BPI, RCPC XI, RFO XI, QARES-RFO R4), Davao City Agriculture Office, OPAG-Davao del Sur, Cacao Industry Development Association of Mindanao, Inc. (CIDAMI), CocoaPhil, at mga lokal na nagtatanim ng kakaw.
Sinusuportahan ng PCAARRD ang industriya ng kakaw sa bansa sa pamamagitan ng kanyang Industry Strategic Science and Technology Program (ISPs). Layon ng programa na pahusayin ang industriya ng kakaw sa pamamagitan ng patnubay ng siyensya at teknolohiya.