Isang grupo ng mga mananaliksik mula sa College of Fisheries and Ocean Sciences ng University of the Philippines Visayas (CFOS-UPV) ang kinilala sa 2nd Invention Disclosure Incentive (IDI) Awarding Ceremony na ginanap sa UP Diliman.
Tumanggap si Professor Valeriano Corre, kasama ang mga kapwa imbentor na sina Prof. Victor Marco Emmanuel Ferriols, Ernesto del Rosario, Jan Michael Genesila, at Prof. Francis Dimzon ng halagang ₱40,000.00 bilang ‘financial incentive’ para sa kanilang imbensyon na may titulong ‘Remote Operated Automatic Bottom Feeder.’
Ang nasabing imbensyon ay isa sa mga bunga ng pananaliksik ng Department of Science and Technology (DOST)-UPV Milkfish Program. Pinondohan ang programa ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development, DOST (DOST-PCAARRD).
Ipinagkakaloob ang IDI award sa mga imbentor, mananaliksik, mga propesor, mag-aaral, kawani, at ‘visiting professors’ na nagsasagawa ng pananaliksik kaugnay ng isang programa, proyekto, o kontrata na pinamamahalaan ng UP.
Layon ng award na himukin ang mga imbentor na ihayag sa unibersidad ang kanilang mga imbensyon upang makatulong sa pagsusulong ng kultura ng pagsasaliksik at pagbabago sa larangan ng agham at teknolohiya sa bansa.