Isang Global Technology Search Team ang bumisita sa Japan kamakailan upang kumuha ng kaalaman sa paggamit ng ‘probiotics’ at ‘prebiotics’ sa larangan ng ‘aquaculture.’
Ang probiotics ay tumutukoy sa mga bakterya na di nakapipinsala at sa halip ay nakatutulong sa ‘host’ nito laban sa mapaminsalang bakteryang patoheno.
Ang prebiotic naman ay tumutukoy sa sangkap ng pagkain na di natutunaw at may taglay na benepisyo sa host nito. Pinabibilis nito ang paglaki at aktibidad ng mga piling bakterya sa colon.
Kabilang sa team na bumisita sa Japan sina Dr. Dalisay DG Fernandez ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development, Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at si Dr. Rosalie R. Rafael ng Central Luzon State University (CLSU).
Si Fernandez ay direktor ng Inland Aquatic Resources Research Division (IARRD) ng PCAARRD samantalang si Rafael ay project leader ng proyektong Advances on the Fermentation Process and Application of Probiotics and Prebiotics in Aquaculture na pinondohan ng DOST-PCAARRD. Siya ay nagsisilbi sa Freshwater Aquaculture Center ng CLSU (FAC-CLSU).
Binisita ng team ang Kagoshima University, Nagasaki University, at Mie University sa Japan.
Kinapanayam ng team si Dr. Shunsuke Koshio, Dean ng Faculty of Fisheries ng Kagoshima University ganon din ang ibang propesor at mga mag-aaral. Ang Kagoshima University ay nagsasagawa ng pag-aaral sa probiotics at prebiotics bilang ‘feed additives.’
Kinapanayam din ng team si Dr. Katsuyasu Tachibana, Dean ng Faculty of Fisheries, Nagasaki University, mga propesor at ‘key informants’ tungkol sa iba pang kaalaman tungkol sa probiotics at prebiotics. Kabilang sa mga tinalakay ang panirahan ng ‘marine invertebrates,’ panirahan ng larba ng talaba, at epekto ng pagpapakain ng ‘dried algae’ sa ‘short-necked’ na halaan.
Kinapanayam din ng grupo si Dr. Takao Yoshimatsu, Dean ng Graduate School of Bioresources ng Mie University, mga Ph.D. candidates, at mga propesor. Nagsasagawa ang nasabing paaralan ng pag-aaral tungkol sa teknolohiya ng pagpapaasim ng gatas upang gamitin bilang sangkap sa pakain sa isda. Nakita sa pag-aaral na ang solido at likidong ‘probiotics’ ay may positibong epekto sa paglaki ng ‘fingerlings.’
Sa pamamagitan ng pagbisita, nagkaroon ang team ng kaalaman sa produksyon, pormulasyon ng pakain, pagkukuhanan, at gamit ng ‘probiotics’ at ‘prebiotics’ para sa ‘aquaculture’ na maaaring magamit at ilapat sa kondisyon ng bansa. Gagamitin ang mga kaalamang ito upang lubos pang mapabuti ang proyekto ng PCAARRD at CLSU tungkol sa ‘probiotics’ at ‘prebiotics’ para sa mga tagapakinabang nito, partikular ang mga nag-aalaga ng tilapia.