Nabigyang pansin ang kawayan bilang potensyal na panghaliling pananim para sa pagpigil sa pagkasira at pagguho ng lupa.
Ang mga ugat ng giant bamboo (Dendrocalamus asper) ay mahusay sumipsip ng tubig at gawing mas siksik ang lupa upang mabawasan ang pagguho nito. Ito ay nakita sa pag-aaral na isinagawa ng isang grupo ng mananaliksik mula sa Central Mindanao University (CMU).
Pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development, Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang proyekto.
Pinag-aralan ng proyekto ang benepisyo at tulong ng giant bamboo sa serbisyong pangkapaligiran, partikular sa Taganibong Watershed sa Musuan, Bukidnon.
Sa Taganibong Watershed, sinusukat ang dami ng nawawala at gumuguhong lupa tuwing umuulan gamit ang ‘erosion bar method.’ Sa loob ng dalawang taon, nakita sa datos na nabawasan ng giant bamboo ng 75% o 22.66 tonelada/ bawat ektarya/bawat taon ang gumuguhong lupa kumpara sa 90.12 tonelada/bawat ektarya/bawat taon sa lugar na walang giant bamboo o anumong puno.
Sa isang lugar na malapit sa taniman ng giant bamboo, nabawasan ang nawawala o gumuguhong lupa ng 80%, samantalang nabawasan ang nawawalang tubig sa ilog ng 85%. Naobserbahan din ang pagbaba ng dami ng latak ng lupa na umabot lamang sa dalawang tonelada/ bawat ektarya/ bawat taon/ kumpara sa 50 tonelada/ bawat ektarya/ bawat taon/ sa mga lugar na walang giant bamboo o anumang puno. Ang pagdami ng latak o tining ang pangunahing sanhi ng pagdumi ng tubig at pagbaha sa mga mababang lugar.
Ang mga dahon ng kawayan ay nakatutulong din sa pagprotekta sa lupa sa matinding epekto ng malakas at biglaang pagbagsak ng ulan. Ang dahon at iba pang parte ng kawayan na nalalagas o nahuhulog sa lupa ay nakakatulong din sa pagpapaganda ng uri at kalidad ng lupa. Kapag nabubulok ang mga nalalaglag na dahon, sanga, at iba pang parte ng kawayan at dumadaan sa proseso ng ‘dekomposisyon,’ lalong pinagyayaman ang kalidad at uri ng lupa na siyang nakakatulong upang maging maganda ang daloy ng tubig sa lupa. Sa pag-aaral na ito, naitalang halos 40% ang iginanda ng daloy ng tubig na umaagos sa lupa na may giant bamboo. Ito ay dahilan upang maging malaya at maayos ang pag-agos ng tubig nang hindi nakakasira o nagiging sanhi ng patuloy at mabilis na pagguho ng lupa.