Isang forum ang ginanap kamakailan para sa pagbabahagi at palitan ng pinakabagong mga pag-aaral tungkol sa mga pamamaraan ng pagpapalahi. Partikular na tinalakay dito ang ‘genome editing,’ mga paggamit nito, at mga nagiging popular na pamamaraan sa industriya.
Ang forum ay ginanap sa pagtutulungan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD), University of the Philippines Los Baños (UPLB), at CropLife Asia.
Dumalo rito ang mga mananaliksik mula sa state colleges and universities (SUCs), ‘regulators’ ng mga ahensya ng gobyerno, mga estudyante, at mga kinatawan mula sa pribadong sektor.
Ginanap ang forum noong ika-19 ng Nobyembre taong 2018 sa PCAARRD at pinangasiwaan ng apat na eksperto sa ‘genome editing’ galing sa mga grupong lokal at internasyonal.
Sa kanyang mensahe, ipinaliwanag ni Dr. Reynaldo V. Ebora, PCAARRD Acting Executive Director ang kahalagahan ng pang-unawa ng publiko sa ‘biotechnology’ at benepisyo ng ‘genome editing’ sa sektor ng agrikultura. Inilahad ni Dr. Leila C. America, Direktor ng Forestry and Environment Research Division (FERD) ng PCAARRD sa forum ang mensahe ni Ebora.
Ang unang paksa ng pulong, “Gene Editing Technologies for Plant Functional Genomics Research and Molecular Breeding” ay inilahad ni Dr. Daisuke Miki ng Chinese Academy of Sciences. Ipinaliwanag ni Dr. Miki ang mga saligan ng ‘gene editing’ sa mga halaman at mga paraan ng ‘targeted induction’ ng ‘DNA double-strand breaks (DSBs).’ Ibinahagi rin ni Dr. Miki ang mga hamon sa ‘gene editing’ partikular na sa pagsisiguro ng eksakto at ‘highly efficient’ na pag-eedit.
Samantala, inilahad ni Dr. Inez Hortense Slamet-Loedin ng International Rice Research Institute (IRRI) ang aplikasyon ng ‘genome editing’ sa palay. Ipinaliwanag niya ang paggamit ng ‘transcription activator-like effector nucleases (TALEN)’ at ‘clustered regularly interspaced short palindromic repeats CRISPR-associated protein 9 (CRISPR Cas9)’ bilang ‘molecular scissors.’ Ang mga nasabing teknolohiya ay magagamit upang maisulong ang mga programa ng IRRI sa ‘biofortification’ ng palay. Ibinahagi rin niya ang mga pagpapaunlad ng uri ng palay na may mataas na ‘zinc’ sa mga bansang Bangladesh, Pilipinas, at Indonesia.
Inilahad naman ni Ms. Naomi Stevens ng Bayer Crop Science Agricultural Affairs and Sustainability ang kahalagahan ng mga makabagong teknolohiya sa pagpapalahi ng mga halaman at ang pagtugon nito sa mga hamon ng mga magsasaka at mamimili. Ibinahagi niya ang kahalagahan ng isang hindi nagbabagong ‘science-based approach’ sa pangangasiwa ng mga makabagong teknolohiya sa ‘plant breeding.’ Ibinahagi rin niya ang mga potensyal ng ‘precision biotechnology’ sa pagtugon sa ‘climate change,’ mga sakit at peste, ‘food safety and security,’ at iba pa.
Ang huling paksa sa pulong ay may titulong, “Philippines CRISPR Application in Selected Philippine Crops” na inilahad ni Dr. Maria Genaleen Q. Diaz ng Institute of Plant Breeding ng UPLB. Tinalakay niya ang proyekto na pinondohan ng PCAARRD na may titulong, “Targeted Genome Editing using CRISPR-Cas9 Technology: Capacity Building and Proof-of-Concept in Rice, Corn, and Tomato.”
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Dr. Edwin C. Villar, ang Acting Deputy Executive Director for Research and Development ng PCAARRD ang kinakailangang suporta ng pagsasaliksik sa ‘biotechnology’ sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal at internasyonal na ahensya.