Isang forum para sa mga babaeng mangangalakal sa sektor ng pangingisda ang isinagawa kamakailan.
Ito ay may titulong Fisheries Women Entrepreneurs’ Forum: Developing the Entrepreneurial Skills of SMEs for Enhanced Export Market of Live and Frozen Shrimps.
Layon ng forum na pabutihin ang kakayahan ng mga kababaihang mangangalakal sa sektor ng pangingisda na nabibilang sa micro, small, at medium enterprises (MSMEs) sa pagluluwas ng buhay at iladong hipon at mga produkto nito.
Ang pagsasanay na isinagawa sa EPHATHA Development Center, Social Action Center of Pampanga (SACOP), Maimpis, San Fernando, Pampanga, ay pinangunahan ng National Network on Women in Fisheries in the Philippines, Inc. (WINFISH).
Nakipagtulungan sa nasabing gawain ang Inland Aquatic Resources Research Division ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (IARRD-PCAARRD) at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Central Office at ang tanggapan nito sa Region 3.
Binigyang diin ni Atty. Benjamin F. Tabios, Jr. na nagsilbing pangunahing tagapagsalita, ang papel ng kababaihan at ng pagtutuwang ng mga ‘producers,’ ‘processors,’ at mga nagluluwas ng produkto sa pagpapaunlad ng sektor ng pangisdaan.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Dalisay DG. Fernandez, IARRD Director at ‘project proponent’ ang layunin at mga inaasahang bunga ng pagsasanay.
Inilahad ng mga kinatawan ng industriya mula sa Region 1 hanggang 5 ang kanilang mga karanasan at tagumpay sa produksyon at pagluluwas ng buhay at iladong hipon.
Naging daan ang forum para sa pagtalakay sa mga kinakailangang patnubay ng siyensya at teknolohiya para sa pagpapabuti ng pangisdaan at mga produkto nito sa mga nasabing rehiyon.
Natukoy rin sa forum ang ilang mga isyu sa produksyon at pagluluwas sa pamilihan. Kabilang dito ang pagkukuhanan ng binhi, pagpigil sa mga organismong naninila, pagpapabuti sa mga gamit, pagpapakete at pagmamarka, aplikasyon ng ‘hazard analysis and critical control points (HACCP),’ ‘market matching’ at ‘links,’ at ang pakinabang sa Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP) ‘assistance’ ng DOST.