Isang proyekto na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang nakatulong upang mapabuti ang mga kambingan at mapalawak ang kaalaman sa pag-aalaga ng kambing gamit ang mga paraan na ginagamit ang siyensiya. Ang proyektong ito ay may titulong “Farm-based promotion of alternative management options and farm recording.”
Nakamit ito sa pamamagitan ng pagsasanay sa tinatawag na Farmer Livestock School on Goat Enterprise Manangement o FLS-GEM.
Tinutugunan ng pagsasanay na ito ang ‘mortality rate’ o ang pagkamatay ng mga kambing sa bansa na umaabot sa 28.8 porsyento. Ito ay nakatala sa isa pang proyekto na may titulong “National Goat Farm Performance in the Philippines.”
Ang FLS-GEM ay binuo ng DOST-PCAARRD at nakatuon sa teknolohiya ng pag-aalaga ng kambing at pagnenegosyo. Malalaman sa pagsasanay kung paano magsimula ng negosyo ng pagkakambing sa pamamagitan ng isang kursong tumatagal ng anim na buwan. Kasama sa kurso ang mga ‘take-home assignments’ at mga pagsubok na maaaring gawin ng mga magkakambing sa kanilang kambingan.
Nakapagtapos sa FLS-GEM ang 23 na pambansang tagapagsanay na nakapagsanay naman ng 292 na tagapagsanay sa mga rehiyon ng bansa o ‘regional trainors.’ Ang mga ‘regional trainors’ naman ay nakapagsanay ng 2,539 na magsasaka na kabilang sa mga lumahok na komunidad sa Rehiyon bilang 1, 2, 3, 8, 10, at 12.
Kinilala ng Department of Agriculture (DA) ang FLS-GEM bilang pambansang pagsasanay para sa pagkakambing at sinama rin ito sa ‘Small Ruminants Roadmap.’ Ginamit din ng Federation of Goat and Sheep Producers Associations of the Philippines, Inc. (FGASPAPI) ang FLS-GEM bilang ‘requirement’ para sa mga miyembro nito bago sila makakuha ng kambing na ipapamigay ng samahan.
Sa pamamagitan ng natutunan nila, napabuti ng mga nagsanay ang kanilang pagkakambingan. Ang pagbubuntis ng kambing ay tumaas ng 87 porsyento mula 72 porsyento. Bumaba rin ang ‘kidding interval’ o ang panahon na hindi nanganak ang kambing ng 245 na araw mula sa dating 251 na araw. Ang bilang ng batang kambing na inaanak ay tumaas ng 1.64 mula sa 1.50. Bumaba rin ang mga namamatay na batang kambing ng 4.49 porsyento mula sa dating 25 porsyento. Sa kabuuan, kumikita ang mga magkakambing ng ₱27,374.65 kada taon mula sa dating ₱9,021.38 lamang.
Maaari rin kumita ang magkakambing sa pagbebenta ng pananim ng halamang kinakain ng kambing pati na rin sa pagbebenta ng ‘vermicompost’ galing sa dumi ng kambing, pagbebenta ng ‘vermicast, pagpaparenta ng lalaking kambing para sa pagpapakasta; at pagbebenta ng ‘urea molasses mineral block’ (UMMB).
Sinabi ng mga nakapagtapos na nagagamit na nila ang mga bakanteng lupa sa pamamagitan ng pagtanim ng mga pakain sa kambing.
Napanalunan ng proyektong ito ang pangatlong pwesto sa Development Category sa isinagawang National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NSAARRD) for 2018.