Philippine Standard Time
Featured

‘Fish oral vaccine,’ dinebelop upang labanan ang impeksyon sa mga tilapia

Sa tulong ng Department of Science and Technology (DOST), isang bakuna para sa mga tilapia ang dinebelop ng Trinity University of Asia (TUA) kasama ang Santeh Feeds Corporation upang matulungang malunasan ang mga impeksyon sa industriya ng tilapia dala ng mga bakterya. 

Sa ilalim ng programang Collaborative Research and Development to Leverage Philippine Economy (CRADLE) ng DOST, ang proyektong, “Use of Fish Oral Vaccine in Tilapia Aquaculture System,” ay nakapagdebelop ng fish oral vaccine upang tugunan ang mga impeksyon dulot ng bakteryang ‘Motile Aeromonad Septicemia’ o MAS. Kada taon, umaabot sa 50% ng 600 milyong ‘fingerlings’ ang namamatay sa lawa ng Taal dahil sa nasabing impeksyon at iba pang mga dahilan.

Ayon sa namumuno ng proyekto mula sa TUA na si Dr. Anacleto M. Argayosa, sinimulan ang pagdebelop ng oral vaccine upang makatulong sa pagpapataas ng produksyon ng isda. Ang bakuna ay makatutulong din sa mas maayos na pamamahala sa kalusugan ng mga isda at mapigilan ang banta ng ‘zoonotic infection’ galing sa mga patoheno.

Hindi tulad ng mga bakunang karaniwang nagagamit sa pamamaraan ng pagturok, ang oral vaccine ay mas madaling gamitin dahil maaari itong ihalo sa pagkain ng isda tuwing ‘mass immunization’ ng mga ito.

Ang tilapia ay kilala bilang isa sa mga abot-kayang isdang nabibili sa bansa. Umaabot sa halos P24 bilyon ang benta nito kada taon. Dahil dito, nakapag-aambag ito sa paglago ng ekonomiya at seguridad sa pagkain. Ang Pilipinas ay kilala sa buong mundo bilang isa sa mga pinakamalaking prodyuser ng tilapia ngunit dahil sa mga impeksyon dulot ng iba’t ibang bakterya, ang pagtaas ng pagkamatay ng tilapia ay naobserbahan.

Ang fish oral vaccine na tinawag na “Fishvax Aero” ay ipinadala sa Laguna at Batangas. Sa matagumpay nitong pag-aaral, ang tinamong 50% ‘relative percent survival’ o RPS ng mga nasuring fingerlings sa San Luis, Batangas ay nagpakita ng magandang resulta sa aplikasyon ng Fishvax Aero para sa pangalawa pa nitong dosis.

Sa pagtatapos ng proyekto, irerekomenda nitong magsagawa ng isang polisiya tungkol sa paggamit ng fish oral vaccine. Ang teknolohiyang ito ay inaasahang makatutulong sa mga mangingisda at sa industriya ng akwakultura sa bansa.