Philippine Standard Time

‘Final Review Meeting’ ng Philippines-Australia Horticulture Program isinagawa

CEBU CITY – Isang daan at apatnapung mananaliksik, siyentista, at mga kinatawan mula sa pribadong sektor ang dumalo kamakailan sa tatlong araw na pagpupulong kaugnay ng programa sa hortikultura para sa mga prutas at gulay. 

Ang nasabing programa ay mula sa pagtutulungan ng Australian Centre for International Agricultural Research (ACIAR) at ng  Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
 
Layunin ng programa na matugunan ang seguridad ng supply ng pagkain at mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka sa katimugan ng bansa.

May dalawang layunin ang programa─palawigin ang mga istratehiya sa pangangasiwa ng sakit at peste at magsagawa ng mga pag-aaral sa pinagsama-samang pamamaraan ng pangangasiwa ng mga pananim, pangangangasiwa ng lupa at sustansya nito, pagpapabuti sa ‘value chain,’ at ‘handling’ ng mga piling prutas at gulay. 

Pagtugon sa suliranin ng peste at sakit

Upang tugunan ang impeksyon na sanhi ng Phytophthora sa langka, sinuri ng ‘research team’ ang resistensya ng anim na uri o ‘species’ ng Artocarpus laban sa nasabing sakit. Pinag-aaralan din kung maari silang isugpong sa langka.

Nakatulong din ang programa sa pagtugon sa isyu ng ‘bacterial crown rot (BCR),’ isa sa pinakamapaminsalang sakit ng papaya sa katimugan ng bansa at sa iba pang bahagi ng Luzon. Ito ay sa pamamagitan ng pagtukoy ng mga uri ng papaya na may tibay at resistensya laban sa BCR ganon din ng mga haybrid na may tibay at resistensya sa BCR at sa Papaya Ringspot Virus (PRSV).

Natukoy din ng programa ang mga balakid sa paggamit ng mga ipinapayong mga pamamaraan ng pangangasiwa laban sa impeksyon na dala ng Fusarium wilt (FW) sa saging. Kabilang dito ang kakulangan sa salapi at ang maling paniniwala na walang mabisang paraan sa pagkontrol sa FW. Naitama ang mga balakid na ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga tamang impormasyon para sa kapakinabangan ng 550 na mga magsasaka na nakiisa sa programa.

Nakapagbahagi rin ang programa ng mga panghalili sa mga pangkaraniwang ‘fungicides’ para sa pagkontrol ng ‘blossom blight,’ ‘anthracnose,’ at ‘stem-end rot’ ng manga. Ang mga ito ay ligtas sa tao at kapaligiran.
 
Mga pagsasanay 

Nabigyan rin ng pagsasanay ang mahigit sa 1,300 magsasaka tungkol sa ‘Good Agricultural Practices,’ at ang iba sa kanila ay nabigyan rin ng mga pangunahin nilang kakailanganin gaya ng binhi, pataba, at ‘seedling trays.’

Sa pamamagitan ng pagsasanay, natutunan din ng mga magsasaka na maari nilang mapalaki ang kanilang kita sa pagbebenta ng direkta sa mga mamimili sa halip na padaanin pa ang mga produkto sa mga ‘wholesaler’ o kolektor.

Sa pagsusuri sa ‘value chain’ ng mga piling gulay at prutas, nakita ng ‘project team’ na may mga ‘supermarket,’ ‘Class A wholesaler,’ at ‘concessionaire’ na handang bumili ng direkta sa mga magsasaka.

Iba pang gawain ng programa

Sa mga ‘survey’ na isinagawa sa ilalim ng programa, nakita ng grupo na ang mga nagtatanim ng gulay ay lumalabis sa paggamit ng pataba upang tugunan ang mababang sustansya ng lupa. Bukod sa pinsala nito sa kapaligiran, nagiging karagdagang gastos ito sa mga magsasaka. Kaugnay nito, itinuro ng programa sa mga magsasaka ang maayos na paggamit ng pataba upang madagdagan ang kanilang kita, kabilang ang iba pang pamamaraan.

Gagawa rin ang programa ng mga gabay sa pangangasiwa ng peste para sa piling gulay─ kamatis, talong, ampalaya, ‘sweet pepper,’ litsugas, petsay, at repolyo. Kabilang din sa mga ‘information materials’ na ihahanda ng programa ang mga ‘factsheets’ tungkol sa mga pangunahing peste at sakit. Isasalin ang mga ito sa Cebuano, Waray, at Tagalog upang mapabilis ang  diseminasyon at pagpapahalaga sa mga rekomendadong paraan sa pangangasiwa ng mga pananim.