LOS BAÑOS, Laguna – Nagpulong kamakailan ang mga tagapakinabang ng industriya ng patatas mula sa publiko at pribadong sektor upang talakayin ang mga suliranin at pangangailangan ng nasabing industriya.
Ang gawain ay mahalaga sa pagbuo ng isang ‘Regional Industry Strategic S&T Plan (ISP)’ para sa patatas.
Ginanap ang pulong sa Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) complex, bilang bahagi ng ‘Consultation Meeting cum Packaging Workshop for Potato R&D Program.’ Ito ay inorganisa ng Crops Research Division (CRD) ng DOST-PCAARRD.
Sa kanyang pambungad na mensahe, inalala ni Dr. Jocelyn E. Eusebio, Direktor ng CRD, ang mga pagtutulungan sa pananaliksik at pagpapaunlad sa industriya ng patatas sa pagitan ng DOST-PCAARRD at mga katuwang na ahensya nito. Ipinahayag ni Eusebio ang interes ng PCAARRD na buhayin ang mga inisyatibong ito upang palakasin ang lokal na ‘supply’ at mabawasan ang importasyon ng patatas.
“Ang pagpupulong na ito ay mahalaga upang makita natin ang estado ng industriya ganon din ang ating mga nagawa, at ano pa ang ating mga dapat gawin upang mas maisulong pa ang industriya,” ayon kay Eusebio.
“Nais din nating malaman kung paano makatutulong ang mga minumungkahing proyekto upang makamit ang mga layunin ng ISP,” dagdag ni Eusebio.
Inilahad naman ni Leilani D. Pelegrina, ‘ISP Manager for Vegetables,’ ang unang balangkas ng plano para sa patatas kung saan tinalakay niya ang pagkakaugnay-ugnay ng teknolohiya mula sa produksyon hanggang sa pag-konsumo. Binigyang pansin din ang mga kakulangan sa industriya na maaaring tugunan ng mga institusyon sa pamamagitan ng pananaliksik sa siyensiya at teknolohiya.
Inilahad din ni Daniel P. Sacley, isang Magsasaka Siyentista na kumakatawan sa sektor ng pagsasaka at Presidente ng Botiao Potato Farmers Association ng Atok, Benguet, ang mga pangangailangan ng mga magsasaka ng patatas sa Cordillera region. Kabilang dito ang sapat na supply ng pananim, pasilidad para sa pag-iimbak ng binhi, at mga pagsasanay sa produksyon ng binhi.
Mungkahi ng mga eksperto
Inilahad naman ng mga eksperto sa patatas ang kani-kanilang mungkahi tungo sa pagpapa-unlad sa industriya ng patatas.
Kinatawan ng mga nasabing eksperto ang Northern Philippines Root Crops Research and Training Center of the Benguet State University, Bureau of Plant Industry-Baguio National Crop Research and Development Center, Mountain Province State Polytechnic College, Central Mindanao University, Department of Agriculture Regional Field Office 10, University of Science and Technology of Southern Philippines, at University of the Philippines Los Bańos.
Kabilang sa mga mungkahi ang pagpapahusay ng pananim, pangangasiwa sa sakit at peste, pinahusay na sistema sa pagbibinhi, pagpapabuti sa mga pasilidad, mekanisasyon, at pagdedebelop ng mga produkto.
Ang Integrated Regional R&D Program for Potato
Ang mga kinatawan sa pagpaplano ay babalangkas ng isang pinagsama-samang mungkahi upang makabuo ng Regional R&D Program para sa patatas.
Magiging kabahagi sa mabubuong programa ang Cordillera Consortium for Agriculture, Aquatic and Resources Research and Development (CorCAARRD) at ang Northern Mindanao Consortium for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NOMCAARRD).
Kakatawanin ng CorCAARRD at NOMCAARRD ang rehiyon ng Cordillera at Hilagang Mindanao na kilala bilang mga nangungunang rehiyon sa produksyon ng patatas sa bansa.
Ang gawain ay una sa mga serye ng ‘consultation cum packaging workshop’ na oorganisahin ng CRD sa ilalim ng ‘ISP for Vegetables’ ngayong taon.