Kasabay ng pagtaas ng imbentaryo at produksyon ng baboy sa bansa na umabot sa 12.48 milyong ulo noong 2016, kailangang tiyakin ng mga may-ari ng mga babuyan ang kalinisan at kalidad ng kanilang mga baboy.
Kaugnay nito, isang ‘pork traceability system’ ang binubuo ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) kasama ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang sistemang ito na isang ‘computer software’ ay gumagamit ng ‘Radio Frequency Identification (RFID)’ upang masubaybayan at matunton ang mga pag-galaw ng baboy mula sa babuyan hanggang sa dumating ito sa bahay-katayan. Ang sistema ay nagtatala ng mga impormasyon katulad ng kasarian ng baboy, lahi, kondisyon, kinalalagyan, at ang petsa kung kailan ito manganganak muli. Ang sistemang ito ay kasalukuyang sinusubukan sa isang pribadong babuyan. Ang disenyo ng ‘national traceability database’ ay nabuo na at handa nang ipasubok sa mga may-ari ng babuyan.
Isa pang teknolohiya na binubuo ng UPLB at DOST-PCAARRD ay may kinalaman sa paggamit ng DNA para sa pagpapatunay sa uri ng hayop o ‘species.’ Ito ay gagamitin sa pagtukoy sa kalidad ng karne at produktong hango rito. Sa kasalukuyan, isang teknolohiya gamit ang ‘polymerase chain reaction (PCR)’ ang ginagamit upang matukoy kung ang karne ba ay galing sa baka, kambing, kabayo, o manok. Ang teknolohiya ay maaaring magamit ng National Meat Inspection Service (NMIS).