Pag-aaralan ang ‘biodiversity’ ng Lake Sebu sa isang proyekto na pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST).
Ang Lake Sebu ay isa sa pinakatanyag na ‘tourist attraction’ sa South Cotabato.
May titulong “Trophic status and aquatic biodiversity assessment for sustainable upland freshwater ecosystems in the municipality of Lake Sebu, South Cotabato” ang proyekto.
Ito ang unang proyekto ng Mindanao State University-General Santos (MSU-GSC) na pinondohan ng DOST sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte.
Bumisita ang mga kinatawan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development of DOST (DOST-PCAARRD) at DOST sa Lake Sebu kamakailan kasabay ng unang pulong para a Lake Sebu Project ng MSU-GSC.
Kabilang sa delegasyon sina Director Dr. Dalisay DG. Fernandez, Engr. Eduardo V. Manalili at Ms. Anna Mae S. Pastidio ng Inland Aquatic Resources Research Division (IARRD) ng PCAARRD.
Kinatawan naman sa pulong ang DOST ng Special Projects Division Chief na si Armela K. Razo at staff na si Dexter LA. Bautista.
Ang Lake Sebu biodiversity project, ay pinangungunahan ni Dr. James Namocatcat ng MSU-GSC. Mahalaga ang proyekto sa pangangalaga ng Lake Sebu bilang isang natatanging lugar para sa turismo.
Layon ng proyekto na repasuhin ang mga lokal na ordinansa, mga komprehensibong plano sa paggamit ng mga kalupaan, ‘master plans,’ at iba pang mga katulad na dokumento para sa pagbalangkas ng mga polisiya, kabilang ang iba pang mga kaugnay na hangarin.
Sa katapusan ng proyekto, inaasahang makapagbibigay ito ng ‘biodiversity profile,’ ‘bathymetry,’ at ‘river hydrology’ ng tatlong ‘upland ecosystem’ ng munisipalidad ng Lake Sebu, kabilang ang iba pang ‘outputs.’
Kasama rin sa binisita ng pangkat ang Lake Siluton, Lake Lahit, at kabilang ang Seven Falls. Ang tatlong lawa na binisita sa ilalim ng proyekto ay mahahalagang pinagkukunan ng tilapia at iba pang isdang tubig tabang ng mga maliliit na mangingisda.