GUINOBATAN, Albay – Dumalo kamakailan si Secretary Fortunato T. de la Peña ng Department of Science and Technology (DOST) sa pasinaya ng bagong ‘tissue culture laboratory’ ng Philippine Coconut Authority-Albay Research Center (PCA-ARC).
Ang nasabing laboratoryo, na maituturing na makabago, ay may mas malaking ‘culture room’ at kumpleto sa kagamitan para sa mas maayos at organisadong pag ‘tissue culture.’ Mayroon din itong mas malaking ‘growth room.’ Kasama ring inayos ang ‘screenhouse’ at ang ‘humidity tent’ ng laboratoryo.
Ang proyektong ito ay kabilang sa programang “Reinvigorating the Philippine Coconut Industry through the Coconut Somatic Embryogenesis Technology (CSet).” Ito ay pinondohan ng DOST-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD).
Layon ng programa ang makapagparami ng mga pananim na niyog mula sa ‘plumule’ upang mapalawak ang taniman sa mga baybayin at mapalitan ang mga punong sinira ng mga bagyo at dinapuan ng coconut scale insect (CSI).
Sa kasalukuyan, ang proyekto sa PCA-ARC ay nakapagprodyus na ng 1,414 ‘regenerants’ mula sa 11 uri ng niyog na nakolekta mula sa PCA – Zamboanga Research Center (PCA-ZRC).
Pinahalagahan ni Secretary de la Peña ang mga nagawa ng programa at kinilala niya ang CSet bilang isang natatanging teknolohiya sa agrikultura.
Sinabi naman ni PCA Administrator Romulo J. de la Rosa na ang CSet program ay maituturing na isang maipagmamalaking teknolohiya ng PCA sa tissue culture research. Pinahalagahan ni de la Rosa ang tulong ng DOST, partikular ang PCAARRD, sa patuloy nitong suporta sa iba’t-ibang pagsasaliksik sa niyog.
Nagkasundo ang DOST at PCA na ituloy at patatagin ang kanilang pagtutulungan sa tamang paggamit ng resulta ng mga pagsasaliksik sa niyog at tukuyin ang iba pang mga kakulangan sa pagsasaliksik.
Dumalo sa paglulunsad ng ‘marker’ ng laboratoryo sina DOST Secretary Fortunato T. de la Peña; PCA Administrator Romulo J. de la Rosa; PCAARRD Crops Research Division (CRD) Assistant Director Edna A. Anit; OIC Deputy Administrator for R&D Branch Erlene C. Manohar; Guinobatan, Albay Municipal Mayor Gemma Ann Y. Ongjoco; at PCA-ARC Department Manager at CSet Program Leader Cristeta A. Cueto.
Nakiisa rin sina PCA-ZRC Deputy Manager at CSet Project Leader Ramon L. Rivera; Bicol Consortium for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (BCAARRD) Director at CSet Project Leader Marissa N. Estrella; DOST Science and Technology Information Institute (STII) Director Richard P. Burgos; DOST Region V Director Tomas B. Briñas; DOST-PCAARRD Institution Development Division (IDD) OIC Director Ruel Carlo L. Tanqueco; iba pang staff ng DOST-PCAARRD at PCA; mga panauhin mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Region V; at mga local government units ng Guinobatan, Albay.