Nagpalabas kamakailan ang Department of Science and Technology (DOST) ng P18 milyon bilang paunang suporta, para sa programang "Integrated and Sustainable Development Program for the Shrimp Industry”.
Ang programa ay ipatutupad upang muling pasiglahin ang reputasyon ng industriya ng hipon bilang pangunahing “dollar earner” ng bansa.
Isasagawa ang nasabing programa ng University of the Philippines Visayas sa pakikipagtulungan ng Southeast Asian Fisheries Development Center-Aquaculture Department.
Bilang isa sa mga pangunahing programa ng DOST, inaasahan na ito ay makapagbibigay daan sa mga sumusunod na plano:
- Bumuo ng angkop na teknolohiya sa produksyon ng may kalidad na uri ng hipon para sa pagpapalahi at pagpaparami;
- Pababain ang porsiyento ng paggamit ng “wild stock” para sa pagpapalahi;
- Bumuo ng pamamaraan ng pagpaparami at pag-aalaga ng “tiger prawn” (Penaeus monodon) na hindi makapipinsala sa kapaligiran;
- Suriin ang bisa ng iba’t-ibang komersiyal na “probiotics” para sa mga sakit sa “hatchery” ng hipon;
- Suriin ang epekto ng “biofloc technology” para sa Penaeus monodon;
- Bumuo ng mga patakaran sa pag-aalaga at pangangasiwa; at
- Pag-aralan ang “value chain analysis” para sa sariwa/iladong hipon na Penaeid.
Sa pamamagitan ng programa, magkakaroon ng sistema sa pagpapalahi ng Penaeus monodon na naaayon sa siyensiya at teknolohiya; mapahuhusay ang produksyon ng hipon; at masusuri ang sistema ng pagdadala ng hipon sa pamilihan at ang kakayahan ng industriya ng hipon na makipagkumpetensiya sa pandaigdigang pamilihan.
Sa kasalukuyan, pumipili ang mga mananaliksik sa bansa ng mga uri ng hipon na mabilis lumaki. Tumutuklas din sila ng mga uri na may resistensiya sa sakit para sa pagpapalahi at tinitiyak ang bisa ng mga komersiyal na probiotics sa lokal na pamilihan, kabilang ang ilan pang mga gawain sa pagsasaliksik.