Ang mga makabagong teknolohiya ay maaaring gamitin sa mga programang may kaugnayan sa palagubatan upang makabuo ng bagong impormasyon at kaalaman. Makapag-aambag ang mga teknolohiyang ito sa mga solusyong ayon sa siyensiya para sa mas mabuting pamamahala at konserbasyon ng gubat at ‘biodiversity’ ng bansa.
Kamakailan lang ay sinuri ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang mga programang may kinalaman sa pangangalaga ng palagubatan ng bansa.
Dumalo sa pagsusuri ang mga tagapagsaliksik ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) at UP Diliman (UPD) upang ibahagi ang kanilang mga nagawa sa kanilang mga programa.
Ang mga programang sinuri ay may mga pamagat na “Forest Canopy Observation, Positioning and Investigation (Forest CANOPI) Program: Developing Forest Canopy Science in the Philippines” at “From Genes to Ecosystems: Understanding Fruit Bat Species and Genetic Diversity and its Ecological Interactions with Plants in Tropical Lowland Forest, Palanan, Isabela.”
Ang mga nasabing programa ay kasama sa Emerging Interdisciplinary Research (EIDR) Program na pinopondohan ng DOST.
Pinangungunahan ni Dr. Nathaniel C. Bantayan ng UPLB-College of Forestry and Natural Resources ang Forest CANOPI Program. Ang programang ito ay tumututok sa pisikal na paglalarawan ng mga pinag-aaralang mga lugar gaya ng topograpiya, mga halaman, komposisyon, katangian ng lupa, paglilitrato ng kulandong, at pagmamapa.
Ang “From Genes to Ecosystems” Program naman ay pinangungunahan ni Dr. Perry S. Ong ng UPD. Ang programang ito ay tumutuon sa pamamaraan ng pagkalap ng ‘pollen,’ ‘fecal,’ at DNA ‘samples’ ng mahigit sa isang libong uri ng ‘fruit bat’ o paniki.
Ini-ulat din ni Dr. Ong at ng kanyang pangkat ang paggamit ng teknolohiya at pamamaraan ng pagtukoy sa pagkakaiba-iba ng mga paniki pati na rin ang kanilang ‘community structure’ at ‘population ecology.’ Kinilala rin ng pangkat ni Dr. Ong ang mga uri ng tirahan ng mga paniki.