Lumahok ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development, Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) sa isinagawang 12th National Biotechnology Week (NBW).
Ang okasyon na isinagawa kamakailan sa Bureau of Soils and Water Management (BSWM) sa loob ng isang linggo ay pinangunahan ng Department of Agriculture (DA).
Itinampok sa NBW ang mga bagong teknolohiya at mga potensyal na benepisyo mula sa iba’t-ibang aplikasyon ng bioteknolohiya para sa sektor ng agrikultura, kapaligiran, at kalusugan.
Ang NBW 2016 ay may temang Bioteknolohiya: Kaagapay sa Pangkalahatang Kaunlaran, at tagline na, Yakapin ang Pagbabago, Biotek na Tayo!
Nagsagawa ang PCAARRD ng ‘science and technology fora’ para sa pagsasaka at yamang tubig. Ipinamalas din ng nasabing ahensiya, kasama ang iba pang mga tanggapan ng DOST, ang mga inisyatibo sa bioteknolohiya sa pamamagitan ng ‘exhibit.’
Itinampok sa forum para sa pagsasaka ang iba’t-ibang aplikasyon ng genomics para sa barayti ng tubo na dinibelop ng Philippine Sugar Research Institute (Philsurin); ‘molecular marker’ para sa mangga na dinibelop ng Institute of Plant Breeding (IPB) ng University of the Philippines Los Baños (UPLB); ang teknolohiya ng ‘assisted reproduction’ sa industriya ng paggagatas; at ‘molecular techniques’ sa pagpili ng baboy na may magandang katangian mula sa Philippine Carabao Center (PCC).
Itinampok din sa isang ‘forum’ ang aplikasyon ng bioteknolohiya sa sektor ng yamang tubig. Kasama sa mga paksa ang ‘practical genomics’ para sa pag-aalaga ng ‘mangrove crab’ ng De La Salle University (DLSU); ‘DNA fingerprinting’ at ‘genetic diversity analysis’ ng ‘cultured Nile’ at ‘feral’ tilapia ng Institute of Biology ng University of the Philippines Diliman; ‘coral genomics’; at aplikasyon ng bioteknolohiya para sa tamban.
Lumahok sa NBW ang DOST, Department of Health (DOH), DA, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Education (DepEd), Commission for Higher Education (CHED), Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture-Biotechnology Information Center (SEARCA-BIC), at ang Biotechnology Coalition of the Philippines.
Ang NBW ay isang taunang pagdiriwang na sinimulan noong 2005. Ito ay naging isang opisyal na pagdiriwang noong 2007 sa pamamagitan ng Presidential Proclamation 1414. Layon nitong pahalagahan ng bioteknolohiya sa larangan ng produksyon ng pagkain at siguridad.