Lumagda sa ilang mga kasunduan ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD), kaugnay ng pangangalaga sa kapaligiran at pagsasalin ng mga teknolohiya sa tulong ng mga tanggapan ng pamahalaan at ng pribadong sektor.
Ang mga nasabing kasunduan ay pormal na nilagdaan kamakailan kaugnay ng pagdiriwang ng 2016 National Science and Technology Week (NSTW) sa DOST-PCAARRD complex.
Sa isa sa mga kasunduan, nangako ang Pioneer Adhesive Foundation, Inc. (PAFI) na sisiyasatin ang mga lugar sa ilalim ng karagatan at tangkilikin ang pagpapanumbalik sa mga korales at bahura kung saan ang marine epoxy ay isang mahalagang gamit sa PCAARRD coral asexual reproduction technology.
Nakipagtuwang din ang DOST-PCAARRD sa Hyundai Asia Resources, Inc. (HARI) sa pamamagitan ng HARI Foundation Inc. para sa suportang pinansiyal sa pagpapatupad ng S&T Action Frontline for Emergencies and Hazards (SAFE) program ng DOST-PCAARRD. Layunin ng programa na tugunan ang epektong panglipunan, pangkabuhayan, at pangkapaligiran ng climate change sa mga komunidad.
Sa ilalim ng SAFE Program, nakipagtuwang din ang DOST-PCAARRD sa University of Southeastern Philippines (USeP) para sa mga proyekto sa pag-iwas o pagbabawas sa mapaminsalang epekto ng mga likas na sakuna, ganoon din ang kinakailangang pagpapanumbalik o pagbangon mula rito. Ito ay kasunod ng kasunduan kamailan sa Typhoon Pablo project na tumulong sa mga biktima ng nasabing bagyo.
Nakipagtuwang din ang DOST-PCAARRD sa University of the Philippines Los Baños’ Center for Technology Transfer and Entrepreneurship (UPLB-CTTE) sa pagpapalakas ng kakayahan ng nasabing tanggapan at ng Department of Science and Technology Innovation and Technology Center (DPITC) sa larangan ng pagsasalin at komersiyalisasyon ng teknolohiya.
Isang kasunduan din ang nabuo sa pagitan ng Max’s Group Inc. at ng DOST-PCAARRD. Layon ng kasunduan na bigyan ng siguradong pamilihan ang mga maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng nasabing pribadong organisasyon at mga sangay nito. Mahalaga ang papel na gagampanan ng Science and Technology Community-based Farms (STCBF) at ng TechnoMart, mga proyekto ng DOST-PCAARRD, sa pagseguro sa matibay at pirming panustos ng kinakailangang produkto.
Lumagda rin ang DOST-PCAARRD at ang Philippine Coffee Board, Inc. (PCB), ang katuwang sa bansa ng Coffee Quality Institute, sa pagbibigay ng kinakailangang kadalubhasaan sa DOST-PCAARRD sa pagtukoy sa mga kape na may mataas na kalidad. Ito ay sa pamamagitan ng totoo at mapagkakatiwalaang sistema sa ilalim ng pandaigdigang pamantayan. Ibabahagi naman ng DOST-PCAARRD sa PCB ang mga teknolohiya na nalinang nito para sa kape.