Kamakailan lang ay isinagawa ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang isang pagsusuri para sa mga programa at proyektong may kaugnayan sa pagsasaliksik sa kakaw at goma.
Ang pagsusuri o ‘program review’ ay isang mekanismo ng PCAARRD upang masubaybayan at matukoy kung epektibo ang mga isinasagawa pa at ang mga tapos nang mga programa at proyekto. Nagpulong sa Western Philippines University (WPU) ang mga mananaliksik galing sa iba’t ibang ‘state universities at colleges’ o SUCs at ahensya sa bansa upang kilatisin ang estado ng mga programang pinondohan ng PCAARRD.
Ipinahayag ni Dr. Elsa P. Manarpaac, ang Presidente ng WPU ang kanyang kagalakan sa pagsagawa ng taunang pagsusuri sa kanilang unibersidad. Ayon din sa kanya, siya ay lubos na natutuwa sa suporta na binibigay ng PCAARRD para sa kakaw at goma na tinuturing na mahalagang tanim sa probinsya ng Palawan.
Kasama sa mga pinagusapan ang pagtukoy sa laki at lawak ng taniman ng goma at kakaw sa pamamagitan ng ‘geographic information system’ o GIS; teknolohiyang ‘rubber nanosensor’ upang matukoy ang kalidad ng ‘rubber cup lumps’; ‘DNA fingerprinting’ para sa klona ng goma; mga paraan ng pangangasiwa para sa sakit ng puno ng goma; ‘cacao bean sensor’ para matukoy ang kalidad ng kakaw; ‘fuel briquettes’ mula sa ‘cacao pod husks’; at programa sa pangangasiwa ng mga peste ng kakaw.
Tinalakay din sa pagsusuri ang mga nagawa na sa mga programa at proyekto kasama na ang pagtalaga ng mga narseri ng goma at ‘budwood gardens’; pag-debelop ng ‘biofertilizers’; produksyon ng rubber nanosensor at ‘cacao bean sensor’; pag-debelop ng fuel briquettes gawa sa cacao pod husks; at pagtukoy sa iba’t ibang pesteng insekto na maaaring gawin na ‘biological control agents’ para sa kakaw.