Opisyal na inilunsad ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang dalawang proyekto ng Visayas State University (VSU) sa ilalim ng Coconut Hybridization Program (CHP) na bahagi ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).
Ito ay inilunsad sa pamamagitan ng isang ‘inception meeting’ na ginanap kamakailan sa VSU, Baybay City, Leyte.
Inilahad ni Dr. Suzette B. Lina, lider ng proyektong "Development and Evaluation of Soil Fertility and Nutrient Management Strategies for Hybrid Coconut Farming in Eastern Visayas,” ang mga teknikal at pinansiyal na detalye ng proyekto. Ayon sa kanya, layunin ng proyekto na bumuo ng isang komprehensibong ‘fertilization program’ para sa produksyon ng hybrid na niyog sa Silangang Visayas.
Kasama rin sa pulong si Dr. Justine Bennette H. Millado, lider ng proyektong, “Evaluation and Development of Biological and Biorational Control Agents for Sustainable Management of Asiatic Palm Weevil (APW) and other Important Pests affecting Hybrid Coconuts in Eastern Visayas." Ibinahagi ni Dr. Millado na ang proyekto ay susubaybayan ang insidente at pinsala ng APW, bubuo ng ‘early warning system’ para sa mga peste ng niyog, at magpaparami ng mga ‘eco-friendly agents’ upang kontrolin ang mga peste.
Matapos ang presentasyon ng mga proyekto, pinangunahan ng Crops Research Division (CRD) ng DOST-PCAARRD ang talakayan sa implementasyon at pamamahalang pinansyal ng mga proyekto upang linawin ang mga katanungan at matiyak ang maayos na pagpapatupad sa mga ito.
Binisita rin ng grupo ang mga laboratoryo at pasilidad ng VSU tulad ng Coconut Somatic Embryogenesis Technology (CSet) ‘laboratory’ at ‘screenhouse’ at ang National Coconut Research Center (NCRC)-Visayas.