Isa sa ipinagmamalaki ng Visayas State University (VSU) ang kanilang mga napagtagumpayan sa pagsasaliksik sa kamote sa katatapos lamang na proyekto nito. Ang nasabing proyekto ay naglalayong mapanatili ang ‘value chain’ ng kamote gayundin ang pagpapahusay sa mga ugnayan nito sa merkado.
Isa sa mga produkto ng proyekto ay ang ‘vacuum fryer’ na nakakamit ang ‘zero-waste processing’ at ang pagdebelop ng mga produkto gaya ng ‘vacuum-fried SP-35’ na kulay kahel na kamote, alak, ‘grates,’ harina, at pinulbos na kamote.
Ang mga ito ay produkto ng proyektong, “Enhancing the Development of Sweetpotato Food Value Chains in Central Luzon, Albay, Leyte, and Samar and Linking with Related Industries Phase 2” na pinangunguhan ng Philippine Root Crop Research and Training Center (Philrootcrops) ng VSU. Ang proyekto ay pinondohan ng DOST-PCAARRD.
Pinag-aralan din kung paano mas mapahuhusay ang mga istratehiya sa pagbebenta ng kamote at ang mga industriya na maaaring makatulong dito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ‘survey’ tungkol sa pag-uugali ng mga mamimili pagdating sa pagbili at pagkonsumo ng mga produktong gawa sa kamote. Napag-alaman sa pag-aaral na katanggap-tanggap at madaling ibenta ang mga produktong gawa sa kamote partikular na ang ‘vacuum fried’ na kulay kahel.
Kasalukuyang tumaas ang kamalayan ng publiko sa paggamit ng mga kamote sa pamamagitan ng mga inisyatibo ng pagbebenta ng produkto, ‘trade fairs,’ at ‘exhibit,’ gayundin sa pamamagitan ng “Farms and Industry Encounters through the Science and Technology Agenda (FIESTA)” ng DOST-PCAARRD. Pinapalawak pa ang sakop nito sa mga bilihan at inaasahang makapagbenta ng mga produkto sa mga ‘malls,’ ‘supermarkets,’ pati na sa mga ‘high-end markets.’
Sa hinaharap, inaasahan na ang mga eksperto ay magsusulong ng mga proyektong magpapalaki sa potensyal at magpapahusay sa ‘value chain’ ng industriya ng kamote.