LOS BAÑOS, Laguna –Pinangunahan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development-Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang unang pagpupulong kamakailan kaugnay ng isang bagong aprobadong proyekto.
Ang proyekto ay may kinalaman sa pagpapahusay at ‘semi-automation’ ng ‘furnace type dryer (FTD)’ para sa kahoy, kawayan, at iba pang materyales para sa mga industriya na umaasa sa yamang gubat.
Pinangungunahan ni Engr. Caezar A. Cuaresma ng Department of Science and Technology-Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI) ang proyekto na may pondong 4.9 M mula sa PCAARRD. Ang pananaliksik ay gagawin sa loob ng dalawang taon.
Inaasahang malaki ang maitutulong ng proyekto sa ‘post-harvest’ at pagpoproseso ng mga ‘non-timber forest products (NTFP)’ gaya ng kawayan, rattan, pandan, muwebles na gawa sa kahoy, at mga ‘handicrafts.’
Dahil sa malaking pangangailangan sa non-timber forest products, mahalaga ang tamang pagbabago sa kasalukuyang disenyo ng furnace type dryer upang makatugon sa pangangailangan ng industriya ng muwebles at handicraft.
Ayon kay Cuaresma, ang paglipat mula sa manuwal patungong semi-automatic ng operasyon ng furnace type dryer ay makakabawas ng ilang mga pagkakamali kagaya ng di tama at sobrang paglalagay ng gatong at labis na pagbobomba. Sa lubos na pagpapabuti ng disenyo ng furnace type dryer, inaasahang bubuti ang ilang mga sistema ng dryer kagaya ng pagpapainit, pagpapanatili ng halumigmig, sirkulasyon, at istruktura ng tapahan nito.
Sa pagpapabuti ng furnace type dryer, maaaring masolusyonan ang mga problema na hinaharap ng industriyang umaasa sa yamang gubat. Inaasahang mapapaikli ang oras na ginugugol sa pagpapatuyo at mas huhusay ang kakayahan nito sa pagpapainit at paggawa ng ‘kiln dried’ na kahoy, kawayan, at iba pang mga hilaw na materyales.