Naging kauna-unahang ‘Niche Center in the Region (NICER)’ ang Isabela State University (ISU) sa larangan ng pangisdaan sa pamamagitan ng Php18M-grant mula sa Department of Science and Technology (DOST).
Ang pondo ay ipinagkaloob para sa programang “Establishment of Freshwater Fisheries Center for Cagayan Valley. Pormal na nagsimula ang programa sa isang pagpupulong na isinagawa ng mga kawani ng ISU, DOST at Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) sa ISU Campus, Echague, Isabela kamakailan.
Layon ng NICER Program na palawigin ang kakayahan ng mga Higher Education Institutions (HEIs) sa pagsasagawa ng mga kalidad na pag-aaral na makapag-aambag sa pag-unlad ng mga rehiyon sa pamamagitan ng pagpapabuti sa kanilang mga imprastruktura sa siyensya at teknolohiya.
Ang pagtatatag ng Freshwater Fisheries Center sa ISU ay makapagpapatibay sa kakayahan ng nasabing paaralan na makatulong sa sapat na produksyon ng isda at pangangalaga ng mahahalaga at likas na mga yaman ng tubig-tabang sa Cagayan Valley Region.
Sa isinagawang pagpupulong, ipinaalam ng PCAARRD team sa mga tagapagpatupad ng proyekto ang mga gabay sa wastong teknikal at pinansyal na pangangasiwa ng programa. Ang PCAARRD team ay binubuo nina Dr. Dalisay DG. Fernandez, Dr. Juanito Batalon, Dr. Norida P. Samson, Engr. Ruel Tanqueco, at Mr. Wilfredo C. Ibarra. Malaking bahagi ng pondo ang gagamitin sa pagbili ng mga kagamitan sa laboratoryo at pagsasanay.
Tinalakay ni Project Leader, Dr. Isagani Angeles, Jr. ang mga plano at gawain para sa dalawang proyekto ng programa. Isa sa mga ito ay tungkol sa artipisyal na pagpapaanak ng ‘river mullet’
(Cestraeus plicatilis), isang katutubong uri ng isda na tinatawag na “ludong.” Tinitingnan ang pagpaparami nito habang nakakulong bilang isang mahusay na paraan upang sila ay paramihin dahilan sa bumababang populasyon nito sa Cagayan River.
Layon naman ng ikalawang proyekto ng programa na pabutihin ang dami ng nabubuhay na “igat” sa tubig-tabang habang sila ay inaalagaan sa pamamagitan ng paggamit ng ‘immunostimulants.’ Tulad ng “ludong,” ang “igat” ay isang ‘migratory species’ na malaki ang pangangailangan sa ‘export market,’ kung kaya nanganganib ang populasyon ng mga elvers o batang “igat” sa Cagayan River na pangunahing pinagkukunan nito.
Nakikipagtulungan ang ISU sa Bureau of Fisheries Regional Office II sa pamamagitan ni Dr. Evelyn Ame upang mapanumbalik ang “ludong” at “igat” sa ilog ng Cagayan. Kaugnay ng nasabing gawain, pinondohan ng PCAARRD ang isang ‘benchmarking mission’ sa Taiwan noong Nobyembre 2017 upang makita ang pamamaraan ng pag-aalaga ng “igat” sa nasabing bansa. Tulad ng Pilipinas, ang Taiwan ay bahagi ng ‘migratory route’ ng “igat.”