Kinilala ng East West Seed Company ang dalawang Magsasaka Siyentista bilang mga ‘Farmer Heroes.’
Pinarangalan ng nasabing kompanya ang mga Magsasaka Siyentista na sina Joselito Tibayan ng Palangue 2, Naic Cavite at Victoria Motril ng Tupi, South Cotaobato, kabilang ang 28 iba pang mga magsasaka.
Ang pagkilala at pagpaparangal sa 30 mga nasabing magsasaka ay bahagi ng pagdiriwang ng East West Seed Company sa kanyang ika- 30 anibersaryo.
Naging basehan sa pagpili sa mga pinarangalan ang kanilang natatanging paggamit ng pinahusay na mga teknolohiya, ang kuwento ng kanilang tagumpay, impluwensiya sa ‘farming community,’ at naiambag sa pagpapabuti sa kabuhayan ng kanilang mga kapwa magsasaka at iba pang pamilya sa komunidad.
Isinusulong ni Joselito ang organikong pagsasaka at ito ay kanyang ipinapakita sa kanyang isang ektaryang bukirin sa Naic, Cavite. Nagsasalit tanim siya dito ng iba’t-ibang gulay tulad ng upo, patola, sitao, kangkong, ampalaya, kamatis at iba pang gulay.
May mahahalaga rin siyang katungkulan sa iba’t-ibang samahan ng mga magsasaka gaya ng Palangue Agrarian Reform Cooperative, Provincial Agrarian Reform Coordinating Council, Municipal Cooperative Development Council, Cavite Vegetable Industry Council, Soro-soro Ibaba Development Cooperative, Farmers Association of Cavite, at SAMAKAME Corporation. Nagsisilbi rin siya bilang ‘product development support officer’ ng East West Seed Company.
Nakatangap na rin si Tibayan ng mga pagkilala gaya ng Gawad Bayani noong 2011; Namumukod na Regional Magsasaka Siyentista noong 2010; Namumukod na Agrarian Reform Beneficiary noong 2003; Namumukod na magsasaka mula sa Municipal Agricultural and Fishery Council. Si Tibayan din ang nagmay-ari ng pinakamahusay na ampalaya sa ginanap na ‘Pinaka (Most Outstanding) Contest,’ noong 1999.
Si Victoria Motril naman ay kinilala sa kanyang pagiging matagumpay sa pagtatanim ng gulay at pagluluwas ng mga ito sa pamilihan. Pinoproseso niya ang mga gulay na may kaunting depekto sa iba’t-ibang produkto upang di masayang. Ang grupo ng mga magsasaka na kanyang kinabibilangan ay may mga tindahan din kung saan kanilang ipinagbibili ang kanilang mga produkto.
Bilang isang Magsasaka Siyentista, ibinabahagi ni Victoria, ang kanyang kaalaman at mga karanasan sa maraming mga magsasaka at maybahay. Nagsisilbi siyang inspirasyon sa mga maliliit na mga ‘food processor’ upang pagbutihin ang kanilang mga produkto upang maging karapat-dapat sa tulong ng pamahalaan gaya ng kanyang naging karanasan.
Si Victoria ay may mga naging pagkilala na rin dahil sa kanyang teknolohiya at pagnanais na makapag-ambag sa pagsulong ng kabuhayan sa kanilang pamayanan. Nakamit niya ang ikalawang puwesto bilang Namumukod na Babaeng Magsasaka mula sa United Nations Food and Agriculture Organization noong 2005. Nakamit rin niya ang karangalan bilang Namumukod na High Value Crops Processor noong 2006.
Dahil sa mga karangalang nakamit ni Tibayan at Motril, napatunayan nila ang kanilang pagiging karapat-dapat sa pagkilala bilang mga Magsasaka Siyentista.