LOS BAÑOS, Laguna – Dahil sa patuloy na impestasyong dinudulot ng coconut scale insect (CSI) sa rehiyon ng Zamboanga, nagpulong kamakailan ang mga piling opisyal at eksperto mula sa Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development-Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD), Philippine Coconut Authority (PCA), De La Salle University (DLSU), at University of the Philippines Los Baños (UPLB).
Tinalakay sa pagpupulong ang mga istratehiya ng dalawang bagong proyektong magsasagawa ng mabilis at mahusay na pagtugon sa matinding pinsalang dulot ng peste ng niyog.
Ang epidemya na sanhi ng CSI (Aspidiotus rigidus), na mas kilala bilang Cocolisap, ay naiulat sa buong Zamboanga Peninsula matapos nitong mapinsala ang kabuuan ng Basilan at makarating ng Zamboanga City.
Nagdulot ang impestasyon ng seryosong problema dahil sa ang pinakamalaking plantasyon ng niyog at ilang mga mahahalagang ‘accession’ ng niyog ay matatagpuan sa nasabing rehiyon. Naging banta rin ang impestasyon ng CSI sa pinakamalaking ‘coconut germplasm collection’ sa mundo na matatagpuan sa PCA-Zamboanga Research Center (PCA-ZRC).
Pangungunahan nina G. Ramon L. Rivera, Division Manager ng PCA-ZRC, at Dr. Divina M. Amalin, eksperto ng Entomology at Nematology ng DLSU, ang mga nasabing proyekto.
Tutukuyin ng proyekto ang mga angkop na paraan ng pagsugpo ng peste base sa tindi ng pinsala nito, palalawakin ang mga pasilidad sa pag-aalaga ng biological control agent na Comperiella calauanica, at pag-aaralan ang pinakamabisang paraan ng pagtugon sa impestasyon ng CSI sa rehiyon.
Pagtutuunan ng pansin ni G. Rivera ang paggawa ng S&T protocol sa paggamit ng C. calauanica at pagtitibay ng mga natural na pamamaraang makakatulong sa pagpapanatili ng pagsugpo sa CSI sa PCA-ZRC at Zamboanga City. Pamumunuan naman ni Dr. Amalin ang pagsasagawa ng istratehiyang tinatawag na ‘integrated pest management’ sa pamamagitan ng pagtukoy sa tiyak na lugar ng impestasyon at tamang aplikasyon ng mga paraang makakasugpo sa paglaganap ng CSI sa Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Norte, at Zamboanga del Sur.
Dumalo sa pagpupulong si Dr. Celia DR. Medina ng Institute of Weed Science, Entomology and Plant Pathology-College of Agriculture and Food Science, UPLB upang magbigay ng payong teknikal para sa maayos na pagpapatupad ng proyekto.
Hinimok ni Medina ang lubusang pagtutulungan ng dalawang grupo upong maayos na maisagawa ang ‘workplan’ at tuluyang mapigilan ang impestasyon ng CSI sa lugar.
Binigyang diin din ni Medina ang kahalagahan ng pagbuo ng tamang sistema sa produksyon at pagtukoy ng mga kalidad na pamantayan sang-ayon sa estado ng CSI sa rehiyon.
Ayon sa director ng Crops Research Division (CRD) ng DOST-PCAARRD na si Dr. Jocelyn E. Eusebio, bagamat ang mga proyektong ito ay pagpapatuloy sa mga naunang aktibidades sa pagsugpo sa impestasyon ng CSI sa bansa, hangad pa rin niya na may mga panibago pang istratehiyang matukoy at maipalaganap upang mas mabilis na masolusyunan ang problema ng CSI sa Zamboanga.
Inaasahan na sa pamamagitan ng mga proyektong ito ay mapatatatag ang sistemang makatutulong sa deteksyon ng peste hindi lamang sa Zamboanga Peninsula, kung hindi maging sa iba pang bahagi ng bansa.
Inorganisa ang pulong ng CRD ng DOST-PCAARRD na pinangungunahan ni Dr. Jocelyn E. Eusebio at Dr. Edna A. Anit, Manager ng Industry Strategic S&T Program for Coconut