Philippine Standard Time
Featured

Dagdag sustansya sa pakain sa igat hatid ang masagana at malusog na huli

Patuloy ang pagtangkilik sa igat o ‘freshwater eel’ sa lokal at pandaigdigang merkado dahil sa taglay nitong lasa at linamnam. Ito ang nagtulak sa mga mananaliksik mula sa Cagayan Valley upang linangin ang industriyang ito sa tulong ng isang simple ngunit kagila-gilalas na inobasyon.

Malaking tulong sa ekonomiya ng Pilipinas ang kontribusyon ng industriya ng igat. Sa mga nakalipas na ilang taon, Pilipinas ang isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng igat ng mga bansa gaya ng Japan, China, South Korea, at Taiwan. Nanatili ring maganda ang pagtangkilik ng mga mamimili lalo na sa kanayunan.

Upang patuloy na pag-ibayuhin ang industriya ng igat, pinangunahan ni Dr. Isagani Angeles, Jr. ng Isabela State University (ISU) ang proyektong makapagpapabuti ng pagpapakain sa mga igat. Layon ng proyektong ito na mapataas ang dami ng mga nabubuhay na igat habang pinapalaki ito. Nilinang ng proyekto ang mga halamang gaya ng kangkong at Azolla bilang dagdag na pakain. Napatunayan na ang mga halamang ito ay nagpapalakas ng resistensiya ng mga igat laban sa mga sakit at impeksyon.

Sa loob ng 8 buwan, natuklasan ng grupo ni Dr. Angeles ang mas masaganang produksyon ng igat kapag ginamitan ng dagdag na 2% kangkong at 2% Azolla ‘extracts’ sa pakain. Epektibo nitong iniingatan ang mga igat laban sa impeksyon ng Aeromonas hydrophila na isang malaking problema sa industriya. Kapansin-pansin din ang mas positibong paglaki, pagbigat, at pagdami ng mga nabubuhay na igat.

Payo ni Dr. Angeles na gamitin ang ganitong pakain araw-araw sa loob ng 6 na buwan o hanggang lumaki ang mga igat ng hanggang anim na pulgada.

Plano ng grupo ni Dr. Angeles na mapabuti ang industriya ng igat at makilala ang Cagayan Valley bilang sentro sa produksyon ng igat sa bansa. Inaasahan na sa mga susunod na panahon, lalong pagtutuunan ng pansin ng grupo ang mga kaukulang pananaliksik sa estado, uri, at saribuhay ng igat sa iba’t ibang bahagi ng bansa gaya ng Bicol, Cotabato, at Butuan.