Tiyak na ikatutuwa ng mga mahilig sa kape ang mga panibagong timpla o ‘blend’ ng kape mula sa Cavite.
Sa pangunguna ng Cavite State University (CvSU), tatlong klase ng blend ang kanilang nabuo - purong gawa sa liberica; kapeng may natural na taglay na tamis, at kapeng nagtataglay naman ng ‘antioxidants.’
Ang proyektong “Piloting and Commercialization of Specialty Coffee Blends” ng CvSU ay naglalayong ilapit ang produktong kape sa merkado sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga interesadong mga ‘investors’ upang sa ganon ay masiguro ang distribusyon ng produkto sa merkado.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang pakikipag-ugnayan ng CvSU sa Magallanes Women’s Club Multipurpose Cooperative (MAWCO) na siya namang binibigyan ng kaukulang pagsasanay, mga kagamitan sa pagbabalot ng kape at pagproseso nito gaya ng ‘coffee grinder’ at ‘coffee roaster.’ Ang 22 Propack Asia Corporation (22PAC) ay siya namang tutulong sa distribusyon ng mga produkto.
Pumukaw naman ng interes ng mga nagnenegosyo ng kape ang mga nagawang blends sa ilalim ng proyekto. Nakapagsagawa naman ang proyekto ng ‘pilot testing’ ng mga produkto, gayundin ang aplikasyon para sa ‘intellectual property protection,’ ‘consumer research,’ ‘market testing,’ at mga iba’t ibang inisyatibo upang pataasin ang kalidad ng mga produkto sa pamamagitan pa rin ng nasabing proyekto.
Ayon sa pamunuan ng CvSU, mas mapapalawig pa ang industriya ng kape ng unibersidad sa pamamagitan ng mga inisyatibo katuwang ang iba’t-ibang kumpanya at organisasyon na nasa industriya ng kape. Inaasahan din ng unibersidad na sa katagalan ay makapag-’export’ sila ng mga produkto sa ibang bansa.
Ang nasabing proyekto ay pinarangalan ng unang gantimpala sa Best Development Paper category ng National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NSAARRD) na inorganisa ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) na ginanap noong Oktubre 19, 2022.