Ayon sa isang pag-aaral ng College of Forestry and Natural Resources at Institute of Renewable and Natural Resources ng University of the Philippines Los Baños (CFNR-UPLB at IRNR-UPLB), mataas ang potensyal ng Compostela Valley para maging taniman ng goma at Basilan naman para sa kakaw.
Naitala na 29.8% ng lugar sa Compostela Valley ay may mataas na potensyal para maging taniman ng goma. Ito ay sinundan ng North Cotabato, na nagtala ng 20.8% na potensyal. Sa kasalukuyan, ang Zamboanga Sibugay ang may pinakamataas na taniman ng goma, sa lawak na 66,484 ektarya. Ang North Cotabato naman ang nagtala ng pangalawang pinakamataas na taniman sa lawak na 59,387 ektarya.
Samantala, 10.7% ng lugar sa Basilan ay may mataas na potensyal na maging taniman ng kakaw. Ito ay sinundan ng Davao Oriental na nagtala ng 10.1%. Kasalukuyang malawak ang plantasyon ng kakaw sa Davao Oriental na may lawak na 6,920 na ektarya. Ang Compostela Valley naman ay may 5,879 ektarya na taniman ng kakaw.
Ang mga nabanggit na datos ay resulta ng pag-aaral na may pamagat na “Geographic Information System (GIS)-based inventory and sustainability for rubber and cacao in major production areas of the Philippines.” Ito ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Pinangunahan ang proyekto ni Dr. Nathaniel C. Bantayan, propesor ng Institute of Renewable and Natural Resources (IRNR) at Direktor ng Makiling Center for Mountain Ecosystems ng University of the Philippines Los Baños (UPLB). Layon ng pag-aaral na makabuo ng isang ‘national database’ na naglalaman ng mga lugar kung saan may mga taniman at produsiyon pati na rin kung saan pa pwedeng magkaron ng plantasyon.
Ang mga lugar na kasama sa pag-aaral ay ang Agusan del Sur, Basilan, Bukidnon, North Cotabato, Compostela Valley, Davao del Sur, Davao Oriental, Palawan, at Zamboanga Sibugay.
Kinilala ang mga lugar kung saan pa pwede magtanim sa pamamagitan ng ‘habitat suitability’ at ‘niche modeling.’ Ang mga datos kung gaano kadalas ang ulan, temperatura, libis o ‘slope,’ taas mula sa lupa o ‘elevation,’ ‘land cover,’ at kalidad ng lupa ang nagsilbing impormasyon kung maaaring ibilang ang isang lugar bilang ‘expansion area.’
Ang mga miyembro ng proyekto ay nagbigay ng kaalaman sa mga lokal at nasyonal na ahensya ng gobyerno tungkol sa mga pamamaraan ng pagtatanim at pangangasiwa ng mga plantasyon ng goma at kakaw.