Matagumpay na natukoy ng isang ‘detection system’ ang mga barayti ng kape na may resistensya laban sa insektong ‘Coffee White Stem Borer’ (CWSB) at mga barayting maaaring mapinsala nito. Ito ay nagawa sa tulong ng isang katatapos lamang na proyekto ng University of the Philippines Diliman (UPD) sa pamumuno ni Dr. Ernelea P. Cao.
Ang proyektong “Development of a Detection System for Pest and Diseases Resistance in the Philippine Coffee Varieties,” ay nakapagdebelop ng dalawang detection system upang matukoy ang mga barayti ng kape na may laban o ‘resistant’ sa CWSB at sakit na ‘Coffee Leaf Rust’ (CLR) sa pamamagitan ng teknolohiyang ‘loop-mediated isothermal amplification’ o LAMP. Ang proyektong ito ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology o DOST-PCAARRD.
Upang mapatunayang epektibo ang dalawang teknolohiya, nakipagtulungan ang grupo ni Dr. Cao sa Cavite State University (CvSU) at Department of Agriculture-Bureau of Plant Industry (DA-BPI) sa Baguio City, kung saan sila kumuha ng mga ‘sample’ ng kape para sa kanilang ‘field validation trials.’
Ayon kay Dr. Cao, nagpakita ng magkaparehong resulta ang CWSB detection system sa taniman at laboratoryo. Ito ay makatutulong sa mga susunod pang pananaliksik tungkol sa kape, kasama na ang patuloy na pagdedebelop sa CWSB ‘early detection strips’ na direktang magagamit ng mga magsasaka ng kape sa bansa.
Nais din ng proyektong ipagpatuloy ang pagdebelop ng nabuong CLR detection system, kung saan nakitaan ang ‘Red Bourbon – isang barayti ng kape na kilala dahil sa masarap na lasa at mabangong amoy nito – ng resistensya laban sa nasabing sakit
Sa mga darating pang taon, inaasahang mapagtitibay ng pangkat ang pakikipagtulungan sa DA-BPI upang mapabuti pa ang mga polisiya at diseminasyon ng impormasyon at mga teknolohiya na makatutulong sa mga magsasaka ng kape.