Ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD), kasama ang mga lider at mga eksperto sa industriya ng niyog, ay nagkaroon ng talakayan tungkol sa Coconut Hybridization Program (CHP) sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).
Nilalayon ng CHP na tugunan ang kakulangan sa supply ng niyog sa pamamagitan ng pagpapataas ng produksyon ng mga ‘coconut hybrids’ gamit ang mga angkop na teknolohiya at makapag-bigay ng suporta sa pananaliksik sa ‘coconut hybridization.’
Ang coconut hybrids ay bunga ng dalawang magkaibang uri ng niyog na pinili dahil sa mga kanais-nais nitong katangian. Kumpara sa mga tradisyonal na ‘tall’ at ‘dwarf’ na niyog, ang hybrids ay may mas mataas na ani.
Kabilang sa mga naging tampok ng usapan ang pagbabahagi ng impormasyon ni Deputy Administrator Ramon L. Rivera ng Philippine Coconut Authority-Research and Development Branch (PCA-RDB). Ibinahagi ni DA Rivera ang ilan sa mga pakinabang na handog ng coconut hybrids gaya ng mas mataas na kalidad ng ani, mas mabilis na pagtubo ng halaman, at mas mahusay na ‘input efficiency.’
Ayon pa kay DA Rivera, may ilang coconut hybrids na namumunga sa loob lamang ng apat hanggang limang taon mula sa pagkaka-tanim at maaari rin itong mamunga ng 15,000 hanggang 22,000 na niyog kada ektarya kada taon. Ang mga katangiang ito ng hybrid na niyog ay nakahihikayat sa mga magsasaka dahil sa potensyal nito na pataasin ang kita at mapababa ang gastos sa pag-aalaga.
Habang ang coconut hybrids ay nagbibigay ng mas magandang bunga para sa mga magsasaka at mamimili, binigyang-diin ni DA Rivera na ang layunin ng CHP ay hindi palitan ang mga tradisyonal na uri ng niyog sa bansa, kundi upang magbigay ng karagdagang uri ng niyog na pamimilian ng mga magsasaka.
Ibinahagi ni Director Leilani D. Pelegrina ng Crops Research Division ng DOST-PCAARRD na patuloy ang suporta ng DOST-PCAARRD sa pananaliksik upang higit pang mapahusay ang mga teknolohiya na may kinalaman sa coconut hybrids. Ayon kay Dir. Pelegrina, tinitingnan din ng mga siyentipiko ang pinakamainam na pagpapaunlad ng mga coconut hybrid at pagtukoy ng pinakamahusay na mga kasanayan sa pamamahala ng peste at sakit nito.