Isang proyektong hatid ng Central Luzon State University (CLSU) ang nakatulong sa mga magkakambing na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Nang lumaganap ang pandemya noong taong 2020, karamihan sa mga naapektuhan ay ang mga maliliit na magsasaka kabilang ang mga magkakambing. Bagaman ang Central Luzon ay isa sa mga rehiyon na may pinakamaraming populasyon ng commercial dairy goats, ang mga maliliit na magkakambing sa rehiyon ay hindi nakapagpagatas dulot ng kakulangan ng kaalaman sa pagproseso nito at kawalan ng puhunan upang maisaayos ang kanilang negosyo. Dahil sa pandemya, karamihan sa mga tagapangalaga ng kambing ay napilitang ibenta na lamang ang kanilang mga palahiang kambing.
Upang matugunan ang problemang ito, inilunsad ang proyektong, “Let’s Doe Business: Goat milk-based livelihood opportunities to mitigate the effects of the COVID-19 pandemic,” noong Agosto 2019 bilang bahagi ng COVID-19 Heal-as-One na proyekto ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at CLSU. Ipinatupad ang proyekto sa Laur, Santa Rosa, San Jose, at Muñoz sa Nueva Ecija, at sa Dipaculao, Aurora.
Tulong sa pangangalaga ng kabuhayan
Ipinakilala ng proyekto ang paggagatas gamit lamang ang mga ‘upgraded’ na kambing at inilahad ang mga teknolohiya sa pamamahala ng dairy goat, hygienic milking at processing, at entrepreneurship.
Pumili ang proyekto ng limang Model Dairy Goat Farmers (MDGF) at sampung Affiliate Dairy Goat Farmers (ADGF) ayon sa isang set ng pamantayan. Ang bawat MDGF sa lugar ang namahala sa paghahanap ng mga mamimili, pakikipag-ugnayan, at pag-suplay ng nais nilang uri at dami ng gatas ayon sa napagka-sunduang panahon. Sila din ang namahala ng pagdadala ng mga produkto sa iba’t ibang merkado.
Sa bawat MDGF, nagtalaga naman ng dalawang ADGF na may responsibilidad na magsuplay ng kinakailangang dami ng gatas upang matugunan ang merkado ng MDGF sa bawat araw.
Upang maging epektibong dairy goat agripreneur ang bawat kasapi sa proyekto, ginagabayan ang mga indibidwal sa pamamagitan ng ilang pagsasanay kung saan tinuturuan sila ng tamang pangongolekta ng gatas, pag-‘pasteurize,’ pagsusuri, at paggawa ng ‘flavored milk products’ mula sa kambing.
Tinulungan din ang mga agripreneur na makapagtayo ng mga pasilidad at mapalawak ang kanilang merkado sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga alternatibo at makabagong pamamaraan ng pangangalakal. Ipinakilala din sa kanila ang ‘community goat upgrading’ kung saan binibigyan sila ng pagkakataon na magpabulog ng kanilang naglalanding inahin gamit ang barakong ipinagkaloob ng proyekto.
Tinulungan din ang mga magsasaka sa pagtatayo ng mas maayos na bahay ng kambing malapit sa mga forage garden kung saan makakakuha ng pakain. Binigyan ang bawat isang MDGF ng limang inahin, samantalang tatlo naman ang ibinigay sa bawat ADGF. Bilang bayad sa mga ipinamahaging kambing, kinakailangang ibalik sa proyekto ang isang babaeng anak ng kambing sa loob ng dalawang taon. Ang ibinalik na kambing ay ipapasa ng proyekto sa iba pang mga mapipiling ADGF.
Let’s Doe Business tungo sa kaunlaran
Sa kasalukuyan, tatlo sa limang MDGF-ADGF clusters ang kumita sa ilalim ng proyekto. Sinimulan nila ang pagbebenta ng mga pasteurized milk sa loob ng ilang mga barangay kung saan hinihikayat nila ang mga mamimili sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng patikim. Kalaunan, nakilala na ang kanilang produkto sa barangay hanggang lumaganap ang mga produkto sa mga karatig na bayan at probinsya.
Base sa pagsusuri, ang MDGF-ADGF cluster mula sa Laur ay nakapag-produce na ng 360 litrong (L) gatas sa loob ng tatlong buwan, samantalang 359 L naman ang naitala mula sa San Jose at 263 L mula sa Santa Rosa, Nueva Ecija.
Naobserbahan ang pag-angat ng porsyento ng produksyon ng gatas kung saan 0.73 L na ang nakukuha sa bawat kambing kumpara sa 0.5 L na karaniwang naitatala ng mga tagapangalaga ng kambing sa Pilipinas. Sa paggamit ng mga upgraded na kambing, naipakita sa resulta na ang kabuuang dami ng gatas (982 L) na ipinagbibili sa presyong P150–P200 kada litro ay kayang magbigay ng pinakamababang kita na P49,100 kada buwan.
Ipinamalas sa mga resultang ito ang pag-angat ng mga tagapangalaga ng kambing sa ‘Poverty Threshold Level.’ Sa pamamagitan ng proyekto, nakapagbigay suporta ito sa lumalagong demand ng merkado para sa gatas.
Ang proyektong “Let’s Doe Business” ay pinondohan sa ilalim ng programang Good Agri-Aqua Livelihood Initiatives towards National Goals (GALING) na itinataguyod ng DOST-PCAARRD.