Napatunayan ni Rogelio Cornelio, isang magsasaka sa Bay, Laguna, ang pakinabang ng ‘carrageenan plant food supplement (PFS)’ mula sa katas ng seaweeds na karaniwang tinatawag na lato o damong dagat.
Ginamit ni Cornelio ang PFS sa kanyang palayan na may sukat na 6,000 metro kwadrado sa Bay, Laguna. Ngayong taon, umani siya ng 3.9 tonelada kumpara sa 2.4 toneladang palay noong nakaraang taon. Ang ani ay parehas nakuha noong panahon ng tagtuyot. Ito ay nangangahulugan ng pagtaas ng 62.5%.
Naging mas mabilis rin ang pag-ani ni Cornelio matapos gumamit ng carrageenan PFS. Isang daang araw lamang ang hinintay niya bago umani kumpara sa 120 na araw bago umani noong nakaraang taon.
Ayon kay Cornelio, ang uhay ng kanyang palay ay mas malusog; ang mga butil ay pare-parehas ang laki; at kaunti lang o halos wala ang mga butil na walang laman. Ang mga tanim na palay ay walang sakit, pare-parehas ang taas, at hindi humapay pagkatapos ng malakas na ulan.
Ginamit ni Cornelio ang 4.5 litrong carrageenan PFS sa kanyang sakahan na isinama sa tatlong sakong patabang inorganiko. Ginamit niya ang carrageenan PFS sampung araw matapos ang paglilipat-tanim. Ang pangalawang paglalagay ng carrageenan PFS ay dalawang linggo matapos ang unang paggamit, at ang huli ay 26 na araw matapos ang pangalawang paggamit.
Ibinahagi ni Cornelio ang kanyang karanasan sa isang pagpupulong ng mga magsasaka ng palay sa Bay, Laguna kung saan nahimok ang ilang magsasaka. Kabilang dito si Melchor Arcillas, Presidente ng Bay Farmers Federation at si Oscar Panisales. Sinabi ni Arcillas na dapat maging abot-kaya ang presyo ng carrageenan PFS para maraming magsasaka ang makinabang sa teknolohiya. Irerekomenda naman ni Panisales ang teknolohiya sa kanyang mga kasama sa oras na maari na itong bilhin sa pamilihan.
Ang pananaliksik sa carrageenan PFS ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at isinagawa naman ng DOST-Philippine Nuclear Research Institute (DOST-PNRI), Philippine Rice Research Institute (PhilRice), at ng National Crop Protection Center ng University of the Philippines Los Baños (UPLB-NCPC).
Kabilang ang carrageenan PFS sa mga teknolohiya na ipamamalas ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) sa darating na Super National Science and Technology Week (NSTW). Ito ay gaganapin sa Hulyo 25-29 sa PCAARRD Complex at may paksang Juan Science, One Nation.
Ang Super NSTW ay sabayang isasagawa sa nasabing mga petsa sa mga piling tanggapan ng DOST.
Itatampok dito ang mga ‘exhibit’ at ‘fora’ na naglalayong makapagbigay ng mga teknolohiya at kaalaman na makatutulong upang mapalakas ang sektor ng agrikultura ng bansa at makatugon sa pandaigdigang pamantayan.
Gugunitain din ng DOST-PCAARRD ang ika-lima nitong anibersaryo sa Hulyo 28,2016. Tatampukan ito ng pagsasagawa ng National Symposium on Agriculture and Aquatic Resources Research and Development (NSAARRD) sa Hulyo 27, 2016 sa umaga at paggagawad din ng mga karangalan sa nasabing petsa.
Kinikilala ng NSAARRD ang mga natatanging ambag ng mga indibiduwal at institusyon sa pagpapabuti ng estado ng sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman sa pamamagitan ng pagsasaliksik at pagpapaunlad (research and development).