Inaprobahan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology ang isang proyekto na nagkakahalaga ng P4.1 M . Layon ng nasabing proyekto na matukoy ang pinakamahusay na lahi ng tilapia na angkop sa malamig na klima ng Cordilleras.
Kahit na ang tilapia ay inaalagaan sa mga “fish terraces” sa Cordilleras, kinakaharap pa rin ng nasabing lugar ang kakulangan sa produksyon ng tilapia dahil sa hindi angkop ang malamig na klima sa lugar sa pag-aalaga nito.
Ang paggamit ng pinahusay na uri ng tilapia ay makatutulong sa mas mabuting produksyon. Dahil dito, sinusuportahan ng DOST-PCAARRD ang proyektong “Sustainable tilapia culture amidst challenges posed by climate change.”
Pinangungunahan ni Dr. Ruth Diego ng Benguet State University (BSU) ang proyekto. Layon nitong pag-aralan at tukuyin ang pinakamahusay na uri ng tilapia na maaring alagaan sa malamig na klima sa Benguet, Ifugao, Kalinga, at Mountain Province.
Ang apat na uri ng tilapia ay (Genetically Enhanced Tilapia with Excellent Qualities (GET-EXCEL), Genetically Improved Farmed Tilapia (GIFT), Freshwater Aquaculture Center Selected Tilapia (FAST), at isang lokal na uri ay aalagaan sa mga tubigan sa panahon ng tag-init at tag-ulan sa mga nasabing lugar.
Magtutulungan ang Ifugao State University (IfSU) sa pamamagitan ni Dr. Rene Pinkihan, sa Mountain Province State Polytechnic College (MPSPC) na kinakatawan ni Dr. Epiphania B. Maquilang, at sa BSU sa pagsasagawa ng mga ‘field trials.’
Isasagawa ang proyekto sa loob ng isa at kalahating taon.
Ang antas ng pagiging sapat ng suplay ng isda sa Cordilleras ay tinatayang nasa 8.0% lamang. Ang taunang ‘per capita’ ng kinokunsumong isda na umaabot sa 28.0 kilo ay natutugunan ng suplay na nanggagaling sa ibang lalawigan tulad ng Pampanga at Batangas. Ang pagtaas ng produksyon ng tilapia sa pamamagitan ng proyekto ay inaasahang makatutulong na tugunan ang kakulangan sa suplay ng isda at mga produkto nito sa rehiyon.