LOS BAÑOS, Laguna –Pormal na nagsimula kamakailan sa isang pulong ang pagpapatupad ng proyekto na magsusuri at magpapatunay sa bisa ng carrageenan sa produksyon ng palay at mais.
Kaugnay nito, pinag-usapan rin ng mga piling opisyal at mga dalubhasa mula sa mga ahensya ng pamahalaan ang kasunduan sa pagpapatupad ng nasabing proyekto.
Isinagawa ang pulong sa tanggapan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Bukod sa DOST-PCAARRD, dumalo rin ang mga kinatawan ng Department of Agriculture (DA), National Crop Protection Center, College of Agriculture and Food Science, University of the Philippines Los Baños (NCPC-CAFS, UPLB), at DA/DOST Regional Offices sa Rehiyon 1, 2, 3, 4A, 6, 9, at 11.
Susubukan ang kakayahan ng Carrageenan bilang ‘plant growth promoter’ (PGP) na palakasin ang resitensya ng palay at mais laban sa sakit at peste. Isasagawa ang pagsubok sa mga pangunahing taniman ng palay at mais.
Sa pamamagitan ng carrageenan PGP, pagtutuunan ng proyekto ang layong mapabuti ang produksyon ng palay at mais sa bansa.
Ang Carrageenan PGP ay isang teknolohiya ng Philippine Nuclear Research Institute ng DOST (DOST-PNRI). Nakita sa pag-aaral na ito ay may taglay na mataas na potasyo, magnesiyo, at kalsiyum na makatutulong na mapabuti ang paglaki at pagdebelop ng tibay ng palay laban sa sakit at peste.
Upang subukan ang husay ng carrageenan bilang ‘foliar spray,’ magtutulungan ang DA at DOST sa pag ‘monitor’ ng resulta ng mga ‘field test’ sa mga rehiyon na pangunahing ‘producer’ ng palay sa bansa.
Susubukan din ng team ang bisa ng Carrageenan sa pagpapalakas ng resistensya ng palay laban sa sakit (tungro virus) na dala ng berdeng ngusong kabayo o greenleaf hopper sa ‘inbred rice’; sakit ng palay na nagdudulot ng paninilaw at panunuyo ng dahon simula sa dulo pababa (bacterial leaf blight) sa ‘hybrid rice’; pesteng insektong greenleaf hopper na naglilipat ng bayrus na nagiging sanhi ng tungro; kayumangging hanip o ‘brown hopper’; pesteng pumapasok sa tangkay ng palay o ‘rice stem borer’; uod na karaniwang umaatake sa palay pangkatihan o ‘cutworm’; at mga mapaminsalang uod ng palay na grupo-grupo o maramihan kung sumalakay tulad ng ‘armyworm.’
Susuriin din sa proyekto ang impluwensya ng kasinsinan ng populasyon ng mga kapaki-pakinabang o “kaibigang kulisap” sa pag-kontrol ng populasyon ng mga nasabing peste sa mga palayan.
Pangungunahan ni Dr. Gil L. Magsino, Direktor ng NCPC-CAFS, UPLB ang pagpapatupad ng proyekto. Samantala, si Dr. Lucille V. Abad, Pinuno ng Chemistry Research Section ng DOST-PNRI, naman ang mamamahala sa ‘supply’ ng carrageenan PGP sa pitong rehiyon na kasama sa proyekto.
Sinabi ni Magsino na maaaring tumaas ang produksyon ng palay mula 15% hanggang 40% ayon sa pagtugon ng pananim sa mga umiiral na kondisyon sa kapaligiran. Binigyang diin din niya na ang pagsubok sa bisa ng carrageenan PGP sa mais, ay gagawin lamang sa mga ‘experimental sites’ sa UPLB at Region 2. Hinimok rin ni Magsino ang mga ‘agriculture extension workers’ na sanayin ang mga magsasaka sa paggamit ng teknolohiya.
Ipinaliwanag naman ni Abad na ang carrageenan PGP ay mas mabisa isang buwan matapos itong iproseso. Idinagdag niya na ang ‘edible seaweed’ na ginagamit sa produksyon ng carrageenan PGP ay inaangkat pa dahil sa batas na nagbabawal sa pag-ani nito dito sa bansa.
Sa pamamagitan ng proyekto, inaasahan na magiging mas malaki ang kita ng mga magsasaka dahil magbabawasan na ang paggamit nila ng kemikal na pestisidyo.
Umaasa naman si Dr. Candido B. Damo ng DA Central Office na magagawa ng mga mananaliksik ng DA at DOST ang mga kinakailangang ‘output’ ng proyekto