Upang mapaigting ang produksyon ng hipon, isa ang paggamit ng mga teknolohiya gaya ng ‘biofloc-base nursery tank’ sa maaring gawin ayon sa mga eksperto.
Ang Pilipinas ang isa sa mga pinakamalaking prodyuser ng hipon sa mundo. Mula 2013 hanggang 2020, nakapagtala ang industriya ng aabot sa 12% paglago. Dahil sa mataas ang demand sa merkado, dumami rin ang nagpaparami nito. Ngunit, patuloy naman ang pagsubok sa industriya dala ng mga sakit, mababang kalidad ng tubig, at pagbagsak ng produksyon dahil sa pandemya.
Ibinahagi ni Dr. Christopher Marlowe A. Caipang, isang propesor mula sa University of the Philippines Visayas, ang kahalagahan ng patuloy na pagpapabuti sa mga bago at kasalukuyang teknolohiya gaya ng Biofloc Technology (BFT).
Ang BFT ay isang teknolohiyang tumutulong upang masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng hipon sa akwakultura. Nakatutulong ang BFT na pataasin ang kalidad ng tubig gamit ang mga piling ‘microorganism.’ Sa pamamagitan ng Innofloc (BFT), isang inobasyong isinagawa ng grupo ni Dr. Caipang, sakop na ng BFT ang ‘nursery phase’ ng mga hipon na kung saan sila ay pinalalaki sa ‘nursery tanks’ sa loob ng 30 araw bago ilipat sa mas malaking lalagyan o ‘grow-out ponds’.
Ayon kay Dr. Caipang, malaking benepisyo ang maidudulot ng paggamit nito. Una, ang paggamit ng mga nursery tanks ay makatutulong sa pagpapanatili ng mas malusog at mas mataas na kalidad ng mga hipon. Dagdag pa rito, masisiguro rin na aabot sa apat hanggang limang beses ang ani ng mga hipon kada taon. Higit ito na mas marami kaysa sa nakasanayang paraan ng pagpaparami na aabot lamang sa tatlong beses ang ani kada taon. Napansin din ng mga eksperto na mas naging produktibo ang pagpapalaki ng mga hipon sa tulong ng Innofloc (BFT).
Sa ibang aspeto ng produksyon, ang paggamit ng BFT ay nakatutulong din upang mabawasan ang maduming tubig na dulot ng pagpaparami ng hipon.