Philippine Standard Time
Featured

Binurong kamote, mabisang pakain sa isda

Binuro o ‘fermented’ na kamote ang isang solusyon na nakita ng mga eksperto mula sa University of the Philippines Visayas upang palakasin ang produksyon sa akwakultura.

Ayon kay Dr. Rex Ferdinand Traifalgar, nangunguna sa nasabing proyekto, kayang pagbutihin ang kalusugan ng mga isda sa pamamagitan ng mga binurong kamote bilang pandagdag sa pakain ng mga ito. Sa tulong din nito ay masisigurong mas marami ang ani ng mga isda.

Ayon kay Dr. Traifalgar, ang paggamit ng mga ‘biotechnology’ gaya ng mga ‘fermented’ na kamote ang maaring susi upang protektahan ang industriya ng akwakultura. Ito raw ay mabisang kapalit ng nakasanayang ‘soybean meal.’ Dahil sa soybean meal ang laging tinatangkilik ng industriya, ito ang nagdidikta ng presyo o gastos sa pagpapatakbo ng akwakultura.

Sa pag-aaral ni Dr. Traifalgar, nakita na mas pinatataas ang taglay na protina ng kamoteng binuro o ‘fermented’ mula 1-6% hanggang 18-40%. Ang mataas na protina sa pakain sa mga isda ay makapag-papabilis sa paglaki ng mga ito. Ang ‘biochemical’ na komposisyon ng binurong kamote ay tinatawag na ProEnk.

Ayon sa pananaliksik, maaaring palitan ng binurong kamote hanggang 50% ang nakasanayang soybean meal. Dagdag pa rito, mabisa rin ang binurong kamote sa pagpapataas sa sa ‘survival rate,’ bigat, at kakayahan ng isda na mag-proseso ng pagkain kung ihahambing sa ibang komersyal na pakain. Ito rin ay mas nagpabuti sa antas ng Omega 3 at Omega 6 ng mga isda.

Bukod sa binurong kamote, pinag-aaralan din gamitin ang iba pang materyal bilang sangkap sa pakain gaya ng  Durivillaea potatorum Fucoidan (Australia), Ulva lactuca, Peptidoglycan, at Chitin. Ayon kay Dr. Traifalgar, ang mga ganitong pag-aaral ay tumutulong upang masiguro ang suplay ng masustansyang pakain sa akwakultura. Dahil sa mga nakikitang resulta sa mga pag-aaral, inaasahan na mas mapapaigi pa ang produksyon at kita sa industriya.