Malaki ang naitulong ng pahugis-bungkal na pagtatanim o “contour farming” at paggamit ng mga halamang-bakod sa pagtatanim sa mga dalisdis. Ito ang pagpapatunay ni Divina Padencio, isang Magsasaka Siyentista, sa idinaos na “Technology Field Day” sa Tacloban City.
Sinabi ito ni Padencio matapos niyang makita ang matagumpay na pagtatanim ng mga punong kahoy at gulay sa Barangay Bagacay sa Tacloban City na pinaninirahan ng mga Manobo.
Ang technology field day ay idinaos kaugnay ng proyektong “Science and Technology-Based Farm project on agroforestry” ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development.
Nakatulong ang nasabing istratehiya ng pagsasaka para mabawasan ang pagkaagnas ng lupa sa mga parte ng dalisdis na kinatataniman ng mga halamang- bakod.
Sa nasabing okasyon ay ibinahagi ni Padencio ang kanyang kaalaman sa paggamit ng A-Frame para tiyakin ang mga linya ng kontorno o contour sa dalisdis na lugar. Itinuro din niya ang pagtatanim ng mga halamang-bakod gamit ang kakawate at vetiver grass. Ibinahagi rin niya ang paggamit ng mga “plastic” na kilib o “plastic mulch” para mapangalagaan ang mga tanim sa matinding init at lamig.
Ipinakita rin ni Padencio ang pagtatanim ng iba’t-ibang halaman sa mga dahilig na lugar na kung saan gumagamit ng mga linya ng mga halamang-bakod o “hedgerow” upang magsilbing panangga sa mga lupang gumuguho.
Ipinaliwanag din ni Padencio na sa pagitan ng bawat halamang-bakod ay maaaring magtanim ng mga halamang pagkakakitaan. Ang teknolohiyang ito ay tinatawag na “alley cropping”.
Sinabi ni Padencio na sa pamamagitan ng mga nasabing istratehiya sa pagsasaka ay tumaas ang kanyang taunang kita, mula P36,000 ay umabot sa P102,872.
Ang technology field day ay dinaluhan ng 85 katao na kinabibilangan ng mga magsasaka, mananaliksik, mga taga lokal na pamahalaan, at iba pang mga ahensiya.
Sinabi ni Regional Technical Director Manolito Ragub ng Ecosystems Research and Development Service sa Region 8 na ang Sloping Agricultural Land Technology o SALT ay isa lamang sa mga paraan ng pagtulong ng kanyang ahensiya sa pagtugon sa isyu ng “climate change”.